September 30, 2024

PANUKALANG DRUG TEST SA KANDIDATO, OKS SA COMELEC (Pero hindi mandatory)

WELCOME sa chairman ng Commission on Elections ang panukala na isailalim sa drug test ang lahat ng kandidato na tatakbo sa 2025 elections at ilakip ang resulta sa kanilang certificate of candidacy.

Ito’y kahit may desisyon na ang Supreme Court na unconstitutional ang probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na nag-oobliga sa mga kandidato na sumalang sa drug test.

“Maganda ang proposal na ‘yun. Pero wala din makakapigil sa isang kandidato kung talagang gusto niya maging transparent na maglagay ng certificate na hindi siya adik. Tatanggapin namin ‘yun. Ibig sabihin, hindi man siya mandatory, walang makakapigil kung gusto niya magpatunay na hindi siya adik. Nasa kanya ‘yan kung gusto niya gawin ‘yun,” ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia sa Kapihan sa Manila Bay news forum.

Ang pahayag ni Garcia ay kasunod ng panukalang batas ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte na isama ng Comelec sa requirement ang mandatory drug testing sa lahat ng kandidato.

Sinabi ng poll chief na hindi siya kontra sa panukala pero duda ito sa magiging implikasyon nito.

Binanggit pa niya na binasura na ng SC ang mandatory drug tests sa mga kandidato dahil hindi ito kasama sa requirement na nakasaad sa Konstitusyon.

“Titingnan natin paano kung may batas na mag-oobliga ngayon. Aalamin natin kung babangga sa decision nabanggit ko or sa provision ng Saligang Batas,” dagdag pa niya.

Nakasaad sa Konstitusyon na ang mga kandidato ay kailangang natural-born citizen ng Pilipinas; 35-anyos pagsapit ng halalan; isang registered voter; residente ng Pilipinas ng hindi bababa sa dalawang taon at marunong magbasa at magsulat.