Mainit na tinanggap ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes ang panukalang batas ni Senador JV Ejercito na naglalayong doblehin ang buwanang social pension ng mga indigent senior citizen sa bansa.
Ayon kay Ordanes, ang hakbang na ito ni Ejercito sa Senado ay nagbibigay ng karagdagang lakas sa patuloy na ipinaglalaban ng kanilang party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kapakanan ng mga nakatatanda.
Binigyang-diin ng kinatawan na ang panukalang itaas sa P2,000 ang kasalukuyang P1,000 buwanang subsidy ay isang malinaw na pagkilala na kinain na ng mataas na implasyon at tuloy-tuloy na pagtaas ng bilihin ang purchasing power ng mga senior citizen.
“Raising the pension to P2,000 would help recover purchasing power lost over the years and provide much-needed relief amid today’s elevated cost of living,” pahayag ni Ordanes.
Gayunman, iginiit ng solon na hindi lamang ang mga indigent seniors ang apektado ng mataas na presyo ng pagkain, gamot, kuryente, at pamasahe kundi ang lahat ng senior citizen sa buong bansa.
Dahil dito, muling nanawagan si Ordanes para sa pagpasa ng kanyang inihain na House Bill No. 427 na naglalayong magkaroon ng Universal Social Pension para sa lahat ng nakatatandang Pilipino—anuman ang kanilang antas sa buhay o umiiral na pondo mula sa ibang pension program.
Sa ilalim ng naturang panukala sa Kamara, ang mga non-indigent senior citizen ay makatatanggap ng paunang P500 kada buwan. Sa loob naman ng limang taon, nakatakda itong tumaas sa hindi bababa sa P1,000 buwan-buwan para sa bawat senior citizen sa Pilipinas. (Mina Paderna)
