Pinaigting ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV), ang Non-East Zone subsidiary ng Manila Water Company, ang mga hakbangin nito sa buong bansa upang matiyak ang sapat at maaasahang supply ng tubig kasunod ng babala ng PAGASA hinggil sa inaasahang “very strong” El Niño na maaaring magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Ayon sa PAGASA, humigit-kumulang 85 lalawigan sa Pilipinas ang posibleng makaranas ng dry spells at tagtuyot mula huling bahagi ng Oktubre 2026 hanggang Marso 2027 dahil sa patuloy na pag-init ng temperatura sa Pacific Ocean.
Bilang pagtugon, inaktiba ng MWPV ang mga proactive measures sa 13 operating units nito sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Nakatutok ang mga hakbang na ito sa pagpapalakas ng mga pasilidad, rehabilitasyon ng mga deep well at surface water sources, paghahanda ng mga mobile treatment plant at water tanker, at pagpapalawak ng mga pagkukunan ng tubig.
Sa Lalawigan ng Cebu, kasalukuyang nagpapasok ang MWPV-Cebu ng 30.3 milyong litro ng maiinom na tubig kada araw at may kakayahang magdagdag ng 7.5 milyong litro araw-araw para sa humigit-kumulang 12,000 kabahayan sa Metro Cebu. Nananatiling matatag ang water source sa lugar at patuloy ang pag-apaw ng tubig sa weir nito sa kabila ng tag-init.
Pinaalalahanan din ng kompanya na naghahanda na ito para sa mga karagdagang proyekto sa imprastraktura ng tubig upang matugunan ang lumalaking pangangailangan at masiguro ang long-term water security sa rehiyon.
“Ang kumbinasyon ng ating kasalukuyang supply reliability, matibay na paghahanda sa El Niño, at mga planong pagpapalawak ng kapasidad ay nagbibigay ng suporta sa tumataas na pangangailangan sa tubig ng Metro Cebu. Hindi lamang natin tinutugunan ang pangangailangan ngayon kundi naglalagay din tayo ng pundasyon para sa mas matatag na supply ng tubig sa hinaharap,” pahayag ni Ruby Rose Mercado, General Manager ng MWPV-Cebu.
Bukod sa Cebu, kasama rin sa pinag-iibayong paghahanda ng MWPV ang iba pang operating units nito tulad ng Metro Ilagan Water, Calasiao Water, Laguna Water, Laguna Aquatech, at Tanauan Water sa Luzon; Boracay Water at Calbayog Water sa Visayas; Tagum Water sa Mindanao; pati na rin ang B2B operating units nitong Estate Water at Manila Water Infratech Solutions. (Mina Paderna)
