NAKATAKDA ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong 0131 Agosto 2025 Biyernes alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 na nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos (1928-2022, naglingkod 1992-98). Ngayong taon ang tema ng pagdiriwang ay “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF itinatag 1936, nireporma 1991) ang okasyon sa pangunguna ni Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF.

Hitik sa mga gawain ang nakatakdang maisagawa sa buong buwan ng pagdiriwang na magaganap sa iba’t ibang mga paaralan, dalubhasaan, pamantasan, mga tanggapan ng sangay ng pamahalaan, at mga organisasyon.
Tampok sa pagdiriwang ang paggunita sa ika-81 anibersaryo ng kamatayan ni Pangulong Manuel L. Quezon sa darating na 01 Agosto 2025 Biyernes. Gayundin ang ika-147 anibersaryong kapanganakan ng dating pangulo sa darating na 19 Agosto Martes. Sa parehong okasyon ay bibigyan ng seremonya ng pag-aalay ng bulaklak ang ‘Ama ng Wikang Pambansa’ na magaganap sa mga makasaysayang pook kabilang na sa kanyang mga bantayog sa Quezon City Memorial Circle; Baler, Aurora; a Lucban, Quezon.
Magkakaroon ng Press Conference ang KWF na magaganap sa AVR ng Philippine Information Agency, Diliman, Lungsod Quezon, mula 10:00 umaga hanggang 12:00 tanghali. Magsisilbing guro ng palantuntunan si Bb. Angelica Ellazar at mga Filipino Sign Language Interpreter (FSL) sina G. Jemuel Japson at Bb. Edna Comia.
Narito ang Limang (5) na Mahahalagang Impormasyon patungkol sa KWF:
01. Pinagmulan. Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong 13 Nobyembre 1936 Biyernes. Inatasan ang pagpili kung aling katutubong wika ng Pilipinas ang gagamitin bilang batayan sa pambansang wika. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang SWP “na nag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Pilipino.” Sa madaling salita ay Tagalog ang pinili.
02. Unang Lupong Tagapamahala. Pinili ang Tagalog bilang batayan ng bagong Wikang Pambansa sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (1873-1963, naglingkod 1937-1944) ng taga-Samar-Leyte na kinabibilangan ng mga kasaping sina: Santiago A. Fonacier (Ilokano); Filemon Sotto (Cebuano); Casimiro S. Perfecto (Bikol); Felix S. Rodriguez (Panay); Hadji Butu (Moro); at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan. Samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.
03. Pagpapalaganap at Pagsasabatas. Ipinalabas ni Pangulong Quezon ang Kautusang Tagaganap Blg. 203 noong 1940 na nagpapahintulot sa pagpapalimbag ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa. Pinasimulan sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa. Samantala nagpalabas si Kalihim Jose E. Romero (1897-1978, naglingkod 1959-1962) ng Kagawaran ng Edukasyon ng Kautusang Blg. 7 noong 1959 na nagsasaad na Pilipino ang opisyal na tawag sa wikang pambansa. Si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89, naglingkod 1965-1986), alinsunod sa Artikulo XV Seksiyon 2 at 3 noong 1973, na ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino. Hanggat hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino, ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas. Sa pamumuno ni Pangulong Corazon C. Aquino (1933-2009, naglingkod 1986-1992), nakasaad sa Artikulo XIV Seksiyon 6 noong 1987, na “Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino.” Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika
04. Mga Pagbabago. Sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pangulong Aquino ay nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na pumalit sa SWP noong 1987. Pagkaraan ng apat na taon ay nawala ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas
Republika 7104 noong 14 Agosto 1991 Martes, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

05. Organisasyon. Sa kasalukuyan ang KWF ay pinamumunuan batay sa sumusunod:
Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo; Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Samar-Leyte; Dr. Benjamin M. Mendillo, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Ilokano; Dr. Reggie O. Corpuz, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Kampangan; Dr. Jesus C. Insilada, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Hiligaynon; Dr. Melchor E. Orpilla, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Pangasinan; Dr. Hope Sabanpan Yu, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Sebwano; Dr. Evelyn C. Oliquino, Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Bikol; Dr. Ruth M. Tindaan, Komisyoner at Kinatawan ng mga Wika ng Pamayanang Kultural ng Hilagang Pilipinas; Dr. Christian T.N. Aguado, Komisyoner at Kinatawan ng mga
Wika ng Pamayanang Kultural ng Katimugang Pilipinas; Atty. Marites A. BarriosTaran, Direktor Heneral; Salvador L. Sagadal, Puno, Sangay ng Pangasiwaan at Pananalapi; Dr. Sheilee B. Vega, Puno, Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas; Lourdes Z. Hinampas, Puno, Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika; John Enrico C. Torralba, Puno, Sangay ng Salin; at Jomar I. Canega, Puno, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon.
Sa ngalan ng mga manunulat at buong pamunuan ng Agila ng Bayan ay pagbati ng Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa!
