Hindi pinalampas ng dalawang mambabatas ang panawagan ni Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na isailalim sa hair follicle drug test ang lahat ng halal na opisyal—kasama na ang Pangulo.
Sa isang matapang na pahayag, sinabi nina Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na bago maghamon si Baste sa buong gobyerno, dapat muna niyang linisin ang sariling bakuran sa Davao City.
“Kung talagang seryoso si Mayor Baste sa laban kontra droga, unahin niya ang Davao. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, 37 na ang nahuling gumagamit ng droga. Imbes na maghamon sa iba, ayusin mo muna ang sarili mong bakuran,” ani Khonghun.
Ito ay kasunod ng hindi pagsipot ni Baste sa inaabangang charity boxing match kontra PNP Chief Gen. Nicolas Torre III nitong Linggo, Hulyo 27. Ayon sa ulat, lumipad si Duterte papuntang Singapore dalawang araw bago ang laban, matapos sabihing hindi siya lalaban maliban na lang kung buong gobyerno ay sasailalim sa drug test.
Sinabi naman ni Rep. Chua na kung nais talaga ni Mayor Baste na pag-usapan ang accountability, dapat ay siya mismo ang manguna.
“Drug testing should begin in Davao City, and the results should be made public. That includes the mayor himself,” diin ni Chua.
Kinumpirma ng Davao City Anti-Drug Abuse Council na may 37 personnel mula sa Public Safety and Security Office ng lungsod ang nagpositibo sa ilegal na droga sa isinagawang random drug testing.
Tinuligsa rin ni Khonghun ang pamana ng kampanya kontra droga ng dating administrasyong Duterte, na ayon sa kanya ay hindi tuluyang naresolba ang mismong suliraning pinangako nilang wawakasan.
“Ginawa niyong modelo ang Davao sa kampanya kontra droga, pero mismong sa inyo, may mga empleyadong napatunayang gumagamit ng illegal na droga. Saan napunta ang sinasabi ninyong tagumpay?” aniya.
Si Sebastian Duterte ay anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa The Hague at nililitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs.
Matatandaang si Gen. Torre ang nanguna sa pag-aresto sa nakatatandang Duterte noong Marso sa bisa ng warrant mula sa ICC.
