Nagpahayag ng pagkabahala si dating Senador Panfilo “Ping” Lacson sa posibilidad na umabot sa P1 trilyon sa halos P2 trilyong pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang maaaring nawaldas o nawala dahil sa katiwalian.
Sa isang panayam sa dzBB, sinabi ni Lacson na tila hindi nagiging epektibo ang matagal nang flood mitigation programs ng pamahalaan, at nanawagan siya ng malawakang pagsusuri sa sistema ng pagpaplano, paghahanda, at implementasyon ng mga proyekto.
“Laging sinisisi ang climate change sa problema sa baha, pero nagiging convenient excuse na ito para sa iba. Kailangang silipin kung saan nagkukulang ang gobyerno sa plano at pagpapatupad,” ayon kay Lacson.
“Hindi rin natin puwedeng isantabi ang posibilidad na sa halos P2 trilyong pondo, P1 trilyon ay napunta lang sa bulsa ng ilang indibidwal,” dagdag pa niya.
Binatikos din ni Lacson ang patuloy na paglala ng pagbaha sa kabila ng malaking dagdag sa pondo ng flood control.
“Napakawalang saysay. Dapat kung mas malaki ang pondo, mas nababawasan ang pagbaha. Pero kabaligtaran ang nangyayari — habang lumalaki ang budget, mas lumalalim ang baha. May mali sa sistema — kung hindi sa management, baka sa mismong polisiya o plano,” aniya.
Inaasahan ni Lacson na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu ng flood control at paggamit ng pondo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Samantala, nanawagan naman si Rep. Rodolfo Ordanes ng Senior Citizens Party-list sa mga local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang kahandaan sa mga sakuna, lalo na sa gitna ng pabago-bagong panahon bunsod ng climate change.
“Pumasok na tayo sa panahon kung saan mas unpredictable at mapaminsala ang lagay ng panahon. Dapat mas pag-ibayuhin pa natin ang paghahanda at pagresponde, lalo na para sa mga sektor na mas mahina gaya ng mga nakatatanda,” ani Ordanes.
Iminungkahi ni Ordanes na isaalang-alang ng mga LGU ang pagkakaroon ng evacuation centers na akma sa matatanda, pati na ang pagkakaroon ng medical kits para sa chronic illnesses, at early warning systems na isinasaalang-alang ang mobility at access needs ng mga senior citizens.
