Nakakabahala, nakakapanginig, at nakakapikon.
‘Yan ang unang reaksyon ng marami sa pasabog ng balitang may P6.4 bilyong Local Government Support Fund umano na nawaldas o nagamit sa hindi tamang paraan sa ilalim mismo ng dating Chief Minister ng BARMM, si Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim.
Kaya tama lang na nanawagan ang House Committee on Public Accounts sa Commission on Audit (COA) para sa isang malalim at masusing fraud audit.
Ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, hindi ito basta-bastang isyu ng accounting o papeles lang sapagka’t ito ay usapin ng tiwala ng mamamayang Bangsamoro.
Kung totoo ngang ginamit ang pondong ito bilang pampulitika, na itinaon pa bago ang napagpaliban na 2025 BARMM parliamentary elections, eh malinaw para sa atin ang motibo. Kapangyarihan kapalit ng serbisyo publiko. Lintik na ‘yan!
Sinabi pa ng mga bubwit ng BERDUGO, mabilis pa sa kidlat ang paglabas ng pondo (humigit-kumulang P1.5 bilyon kada buwan) na indikasyong may kakaibang “kagyatan” na hindi para sa mamamayan, kundi para sa ilang piling LGU na kaalyado umano ng ruling United Bangsamoro Justice Party (UBJP). Nakupo!
Ang masaklap pa, lumitaw pa sa mga testimonya na may “return-to-sender” scheme, pondo raw na dapat ay para sa mga proyekto ng bayan, ngunit napipilitang ibalik sa mga opisyal na nagpapalakad.
Naku ha!
Kung totoo ito, hindi lang pala ito basta korapsyon. Maituturing ito na panggagahasa sa prinsipyo ng demokrasya at hustisyang pampananalapi.
Ayon sa mga bubwit ng BERDUGO, ang BARMM ay itinatag sa pangako ng fiscal autonomy at kapayapaan, hindi ng pamumulitika at panlilinlang.
“Pero paano magkakaroon ng tunay na awtonomiya kung mismong mga lider nito ang nagpapahina sa tiwala ng bayan?” tanong ng bubwit na urot.
Ayon pa sa mga usiserong bubwit ng BERDUGO, hindi na puwedeng itago ni dating Chief Minister Ebrahim ang mga ulat na ito sa lumang baol sa kadahilanang may mga testigong lumitaw at may mga dokumentong nagsasalita. Panahon na para harapin niya ang mga tanong, hindi para sa sarili niyang dangal, kundi para sa kapakanan ng mga taong nanalig sa kanya.
Malaking hamon rin ito para kay bagong Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla. Ito na ang pagkakataon niyang patunayan na mayroon siyang ‘balls’ laban sa sinumang opisyal, kahit gaano pa kataas, basta’t may bahid ng katiwalian.
Ang COA at Ombudsman ang dalawang institusyong kailangang magtaglay ngayon ng tapang at integridad.
Sabi pa ng mga bubwit ng BERDUGO, kung tutuusin, ang pagpapaliban ng unang BARMM Parliamentary Elections ay maaaring “blessing in disguise.”
Dangan naman kasi, nabigyan ng oras ang COA para siyasatin ang mga anomalya at ang mga mamamayan naman ng Bangsamoro ay may pagkakataong masuri kung sino ang karapat-dapat mamuno sa kanila sa bagong yugto ng rehiyon.
Naku ha!
Huwag sanang hayaang mabaon sa ingay ng politika ang imbestigasyong ito. Huwag hayaang ang P6.4 bilyong dapat sana’y para sa paaralan, kalye, at kabuhayan ay mauwi sa mga bulsa ng iilan.
Ang Bangsamoro ay rehiyong puno ng pag-asa, ngunit kailangang linisin muna ang mga aninong bumabalot dito. Kung tunay na nagnanais ng kapayapaan at kaunlaran, kailangang magsimula ito sa katotohanan at pananagutan.
Hanggang kailan natin papayagan na ang salitang “awtonomiya” ay maging lisensya para magnakaw? Pwe!
COA at Ombudsman Boying Remulla, panahon na po para imbestigahan si ex-BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.
Please…
***
Kung mayroon kayong sumbong reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
