Larawan mula sa Wikipedia
Isang malakas na magnitude 6.9 na lindol ang yumanig kamakailan sa lalawigan ng Cebu habang magnitude 7.4 naman ang tumama sa Davao Oriental, na nagdulot ng pagkasira ng ilang gusali at pagkamatay ng ilang sibilyan.
Bukod sa pinsalang dulot nito, muling nabuhay ang takot at interes ng publiko sa tinatawag na “The Big One,” o ang inaasahang magnitude 7.2 o mas malakas na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila sa mga susunod na taon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sentro ng nasabing “Big One” ay inaasahang dadaan sa West Valley Fault, na gumagalaw kada 400 hanggang 600 taon. Dahil huling gumalaw ito noong 1658, sinabi ng mga siyentipiko na tumataas taon-taon ang posibilidad ng pagkakaroon ng malakas na pagyanig sa fault line na ito.
Batay sa isang 2004 joint study ng Japan International Cooperation Agency (JICA), Phivolcs, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tinatayang libo-libong buhay ang maaaring mawala at daan-daang gusali ang maaaring gumuho kapag tumama ang “Big One” sa National Capital Region.
Ngayon, nakatakdang muling repasuhin ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Japan ang nasabing pag-aaral upang isama ang paglobo ng populasyon at mga bagong imprastraktura.
Sa gitna ng mga isyu ng katiwalian sa flood control projects, may mga lumilitaw na pangamba hinggil sa katatagan ng mga tulay, gusali, at kalsada sa bansa sakaling magkaroon ng malakas na lindol. Ayon sa mga eksperto sa konstruksyon, kailangan ang malawakang structural audit upang matiyak na ligtas ang mga estruktura sa Metro Manila at mga kalapit-probinsiya.
Ilan ding kritiko ang nagsabing bukod sa pisikal na kahandaan, dapat ding pagtuunan ng pansin ang disiplina at ugali ng mga Pilipino sa pagtugon sa sakuna.
Madalas umanong nauuwi sa “ningas kugon” ang mga programa sa disaster preparedness, at nananatili pa rin ang kulturang “puwede na yan” sa halip na paghabol sa kahusayan.
Hinimok ng mga eksperto ang publiko na gawing kolektibong layunin ang kahandaan sa sakuna, tulad ng kolektibong pagkondena sa korapsyon.
“Kung hindi tayo kikilos ngayon, maaaring huli na ang lahat kapag dumating na ang ‘The Big One,’” ayon sa isang tagapagsalita ng Phivolcs.
