Tahimik ngunit matindi ang labanan sa sektor ng enerhiya ng bansa. ‘Yan ay hindi sa pagitan ng gobyerno at mamamayan, kundi ng mga dambuhalang korporasyon.
Sa ngayon, hawak ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang at ng Aboitiz Group ni Sabin Aboitiz ang malaking bahagi ng power generation at distribution sa Pilipinas. Ang serbisyong dapat ay para sa publiko, ngayo’y naging larangan ng negosyo at pagkakitaan.
Matagal nang ginagamit ang salitang “energy transition” bilang panakip sa patuloy na pagtatayo ng mga coal at liquefied natural gas (LNG) plants.
Magandang pakinggan, ngunit sa katotohanan, ito ay paraan lamang upang mapanatili ang dominasyon ng maruruming pinagkukunan ng enerhiya.
Sa halip na tunay na paglipat sa malinis na kuryente, nananatiling nakasandal ang bansa sa uling at gas habang ang renewable energy ay halos hindi pa umaangat.
Dalawampung taon na mula nang ipasa ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ngunit nananatiling isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya.
Ito yung batas na ipinangakong magpapababa ng presyo at magbubukas ng patas na kompetisyon, ngayo’y nagluwal lamang ng monopolyo. Iilan na lang ang may hawak ng merkado, at sila na rin ang nagdidikta kung magkano at saan manggagaling ang ating kuryente.
Ang sistemang ito ay pumapabor sa negosyante, pero ang pinaparusahan ay ang karaniwang Pilipino. Tsk!
Ang kuryente ay hindi na serbisyo, kundi negosyo at hindi na karapatan, kundi pribilehiyo. Habang lumalaki ang kontrol ng mga pribadong korporasyon, lalong nawawala ang pananagutan sa mamamayan.
Pero sa gitna ng kadiliman eh kahit papaano ay may liwanag tayong naaninag, mga ka-Sampaguita.
Ang hakbang ng Ayala Corporation na talikuran ang coal at tumutok sa renewable energy ay patunay na posible ang responsableng negosyo. Ngunit isang kumpanya lamang ito laban sa sistemang matagal nang nakasandig sa fossil fuel.
Panahon na para ang gobyerno ay tumigil sa puro “transition talk” at kumilos nang may tapang. Hindi dapat iniimpluwensyahan ng mga malalaking interes ang patakaran sa enerhiya.
Mga ka-Sampaguita, ang kuryente ay batayang pangangailangan, hindi dapat ginagawang sandata ng negosyo o kasangkapan ng kapangyarihan.
Ang hinaharap ng enerhiya sa Pilipinas ay dapat linisin, hindi lang po sa usaping teknikal, kundi sa usaping moral.
Ang ilaw sa tahanan ng bawat Pilipino ay hindi dapat pinapagana ng uling, at lalong hindi dapat pinapatay ng kasakiman.
