IPINAMALAS ng National University (NU) Lady Bulldogs ang kanilang championship composure matapos magbalik mula sa 1-2 set deficit upang talunin ang Adamson University Lady Falcons sa limang set, 29-31, 25-22, 21-25, 25-21, 15-10, sa pagbubukas ng second round ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup nitong Sabado, Oktubre 11, sa Rizal Memorial Coliseum.
Sa laban na tumagal ng dalawang oras at 36 minuto, kinailangan ng Lady Bulldogs na magpakita ng matinding disiplina sa endgame upang ipanalo ang kanilang unang five-setter sa torneo at palawigin ang kanilang winning streak sa apat.
Pinangunahan ni Celine Marsh ang NU sa kanyang 19 puntos mula sa 15 attacks, tatlong blocks, at isang ace. Umambag din si Alex Mata ng 16 puntos, habang nagdagdag si Vange Alinsug ng 14 at si Chams Maaya ng 10 markers.
“Biggest challenge namin ‘yung staying composed sa dulo. Hindi dapat nagmamadali,” ani Marsh. “Motivation ko talaga ay ‘yung redemption namin sa talo namin sa UAAP. Teamwork lang talaga sa loob.”
Naging susi sa panalo ng NU ang 6-2 finishing run sa deciding set, matapos samantalahin ang service error ni Adamson spiker Lana Barrera upang makuha ang match point, 14-9. Sinubukan pang bumawi ni Frances Mordi, ngunit tinapos ni Mata ang laro sa isang malakas na spike.
Si Mordi, ang Nigerian import ng Lady Falcons, ay nagtala ng 27 puntos, kabilang ang 26 mula sa attacks, habang may 17 puntos si Barrera at 10 si Lhouriz Tuddao.
Hindi nakalaro para sa Adamson ang kanilang pangunahing scorer na si Shaina Nitura, na nagpahinga matapos ang championship run ng koponan sa isa pang liga isang araw bago ang laban.
Susunod na makakaharap ng NU ang University of the Philippines (UP) sa Linggo, alas-12 ng tanghali, kung saan nakataya ang tsansa nilang makuha ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Samantala, magtatangka namang bumawi ang Adamson kontra Ateneo de Manila University sa alas-2 ng hapon.Ang mga laro ng Shakey’s Super League Preseason Unity Cup ay napapanood live at on-demand sa PusoP.com at Solar Sports. (RON TOLENTINO)
