NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson para sa isang “retribution plus restitution” approach upang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno at kontraktor na sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura, partikular na ang umano’y ghost flood control contracts na lumutang mula 2023 hanggang 2025.
Ayon kay Lacson, maaaring mabawi ng pamahalaan at ng mga nagbabayad ng buwis ang hindi bababa sa P26 bilyon kung ang mga responsable ay magbabalik ng bahagi ng kanilang nakamkam na pondo sa pamamagitan ng plea bargaining agreements, kapalit ng pagbawas sa kanilang sentensiya.
Batay sa datos ng composite investigation team na binubuo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), natuklasang 421 sa 8,000 flood control projects o 5.26% ay hindi talaga umiiral kahit na ito ay may mga kontrata na.
Ang kabuuang halaga ng mga proyektong ito ay tinatayang P629 bilyon.
“Kung lahat ng mga responsable — mga kontraktor, politiko, at opisyal ng DPWH — ay mahatulan at magbalik man lang ng 80% ng kanilang kinulimbat, maaari nating mabawi ang hindi bababa sa P26 bilyon,” ani Lacson.
“Isipin ninyo pa ang daan-daang bilyong maaaring maibalik kung isusunod ang iba pang katiwalian sa imprastraktura.”
Dagdag ni Lacson, ang ganitong sistema ay hindi lamang magbibigay ng hustisya sa taumbayan, kundi makatutulong din sa muling pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabalik ng ninakaw na pondo sa kaban ng bayan.
