Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at kawalang-katiyakan sa suplay ng enerhiya, muling binubuksan ni Cong. Mark Cojuangco ang usapin na matagal nang tinatakasan ng mga lider.
‘Yan po ‘yung paggamit ng nuclear energy bilang solusyon sa lumalalang energy crisis ng bansa.
Hindi ito simpleng panukala. Ang pagbubukas ng Labrador, Pangasinan bilang posibleng host ng nuclear facility ay isang hakbang na nangangailangan ng tapang, siyensya, at malasakit sa kinabukasan.
Sa panahon ng mabigat na bayarin sa kuryente at pang-aalipin ng mga negosyo sa imported fuel, ipinunto ni Cojuangco na kung gusto nating bumaba ang presyo ng kuryente, kailangan nating lumabas sa kahon.
Ang pangarap na kuryenteng aabot lamang ng ₱5/kWh ay hindi lamang numero sa papel. Ibig sabihin nito, mas magaan ang gastusin ng bawat pamilya, mas produktibo ang mga magsasaka at negosyante, at mas maraming trabaho para sa kabataang Pilipino.
Ito ang uri ng repormang kay tagal nating hinintay. Hindi paimbabaw na proyekto, kundi estratehiyang kayang mag-angat sa buong bayan.
Ngunit gaya ng anumang makabagong hakbang, siguradong may mga tutol. May takot, may agam-agam, karaniwan sa mga hindi pamilyar sa agham ng nuclear energy. Ngunit kung mismong mga eksperto ng PNRI, gaya ni Dr. Carlo Arcilla, ay nagsasabing ligtas, malinis, at abot-kayang paraan ito ng paglikha ng enerhiya, hindi ba’t nararapat lamang na pakinggan natin sila?
Ang kasaysayan ng Bataan Nuclear Power Plant ay madalas gamiting argumento laban sa nuclear energy. Ngunit iyon ay proyekto ng nakaraan, isang pagkakataong sinayang dahil sa pulitika, hindi dahil sa teknolohiya. Ngayon, may PhilAtom Law na, may regulasyon, may transparency, at higit sa lahat, may panibagong pag-asa.
Kung ang ibang bansa gaya ng South Korea, France, at Japan ay kayang isulong ang ligtas at matagumpay na nuclear programs, bakit hindi ang Pilipinas? Bakit tayo laging nauuna sa takot kaysa sa progreso?
Ang Labrador ay maaaring maging simbolo ng bagong yugto, mula sa tahimik na bayan sa Pangasinan patungong sentro ng murang kuryente at modernong industriyalisasyon. Hindi ito pangarap lang, kundi konkretong direksiyon tungo sa energy independence at inclusive development.
Ang tanong ngayon, may tapang ba tayong ipaglaban ang kinabukasan?
Kung hindi ngayon, kailan pa?
