BILANG tugon sa malaking pinsalang iniwan ng pananalasa ng Bagyong Opong sa mga buhay at ari-arian sa Masbate at sa mga karatig na lungsod, at sa 6.7 magnitude na lindol sa Cebu City, ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor Wes Gatchalian ay magbibigay ng tulong pinansyal o in-kind para sa muling pagbangon ng mga biktima mula sa mga sakuna na kanilang dinanas.
Sa unang bahagi ng buwang ito, sinalanta ng bagyong Opong ang malaking bahagi ng Masbate kung saan nagdulot ito ng malawakang pagkasira sa mga tahanan, imprastraktura, at kabuhayan.
Sa sumunod na mga araw, isang 6.7-magnitude na lindol naman ang tumama sa Cebu City na nagdulot ng matinding pinsala at kumitil sa 68 na buhay, ayon sa pinakahuling ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Para agad matulungan ang mga apektadong lugar sa kanilang kasalukuyang sitwasyon, nilagdaan ng konseho ng lungsod ang dalawang ordinansa na magbibigay-awtorisa sa pamahalaang lungsod na kumuha ng pondo mula sa Quick Response Fund (QRF) ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) na ibibigay sa mga apektadong munisipalidad, na tinasa batay sa laki ng pinsalang natamo nila.
Para sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, PhP3,400,000.00 para sa lalawigan ng Masbate at sakop na Municipalities, tig-PhP 500,000.00 naman para sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Romblon, Biliran at Lungsod ng Calbayog habang aabot naman sa kabuuang PhP 2,800,000.00 ang inilaan para sa Cebu City na sinalanta ng lindol.
Bukod sa tulong pinansyal, nagpadala din ang lokal na pamahalaan ng mga rescuer at kagamitan sa pamamagitan ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Council (VCDRRMC) upang magbigay ng karagdagang tulong sa kanilang mga operasyon pagkatapos ng kalamidad sa Cebu. (JUVY LUCERO)
