Habang hindi pa tuluyang humuhupa ang trauma ng mundo mula sa COVID-19, isang banta ang muling sumisilip sa abot-tanaw: ang Nipah Virus (NiV). Sa harap ng mga ulat ng outbreak sa India at Bangladesh, at ang mabilis na paghihigpit ng mga bansa tulad ng Thailand at Taiwan, isang malaking hamon ang kinakaharap ng Pilipinas.
Ang tanong, sapat na ba ang ating paghahanda, o tayo ba ay muling nalulunod sa maling kampante?
Ang Nipah ay hindi ordinaryong sakit. Ito ay isang zoonotic virus na nagmumula sa mga fruit bats (megabats) at may nakapanghihilakbot na mortality rate na 40% hanggang 75%. Higit na nakakabahala ang katotohanang hanggang sa kasalukuyan, walang gamot o bakuna na aprubado laban dito. Ang mga sintomas nito—mula sa lagnat at ubo hanggang sa pamamaga ng utak (encephalitis)—ay maaaring pumatay sa loob lamang ng ilang araw, o mag-iwan ng permanenteng pinsala sa neurological na aspeto ng isang survivor.
Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na hindi na bago ang virus sa bansa, matapos itong makita sa Sultan Kudarat noong 2014 dahil sa pagkain ng karne ng kabayo.
Dahil dito, tila kampante ang ating mga awtoridad na kaya nating pigilan ang pagpasok nito. Bagama’t nakaka-alarma ang ganitong kumpiyansa, may punto ang DOH na ang karanasan natin sa nakaraan at ang mga mekanismong iniwan ng nakaraang pandemya ay dapat nating maging sandata.
Gayunpaman, ang pagbabantay sa mga paliparan at ang paggamit ng e-travel forms ay unang hakbang lamang. Ang tunay na laban ay nasa impormasyon at disiplina ng publiko.
Narito ang mga dapat bigyang-diin:
Dapat tiyakin ng bawat Pilipino na ang karneng kinakain ay mula sa mga supplier na akreditado ng National Meat Inspection Service (NMIS). Ang pagkain ng hilaw o hindi lutong maigi na karne, lalo na ang mga hayop na maaaring nahalubilo sa mga paniki, ay tila paglalaro ng “Russian Roulette” sa iyong buhay.
Iwasan ang pagkain ng mga prutas na may bakas ng kagat ng hayop o nahulog lamang sa lupa. Ang ihi, laway, at dumi ng paniki ang pangunahing daluyan ng virus.
Sa oras na makaramdam ng mga kakaibang sintomas matapos maglakbay o magkaroon ng contact sa maysakit, huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor.
Hindi kailangang mag-panic, ngunit hindi rin tayo dapat maging kampante. Ang Nipah virus ay itinalaga ng World Health Organization (WHO) bilang isa sa sampung prayoridad na sakit dahil sa potensyal nito na maging epidemya.
Ang leksyon ng COVID-19 ay malinaw: ang bilis ng pagkalat ng impormasyon at ang higpit ng implementasyon ng mga protocols ang nagliligtas ng buhay.
Sa laban nating ito sa Nipah, ang ating pinakamabisang bakuna sa ngayon ay ang kaalaman, pag-iingat, at mabilis na aksyon. Huwag nating hintayin na ang “vigilant screening” ay maging “lockdown” muli.
