Magandang balita para sa mga lottery enthusiasts nationwide dahil magpapatupad ang Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO ng mas malalaking minimum jackpot prizes sa lahat ng major games nito simula sa darating na Pebrero 1, 2026.
Sa ilalim ng bagong prize structure, itinakda ang panimulang premyo para sa Lotto 6/42 sa halagang 10 milyong piso, habang ang Mega Lotto 6/45 naman ay magsisimula na sa 15 milyong piso.
Para sa mga mas malalaking bola, ang Super Lotto 6/49 ay may bagong minimum na 25 milyong piso, ang Grand Lotto 6/55 ay nasa 45 milyong piso, at ang Ultra Lotto 6/58 ay magsisimula sa napakalaking halagang 75 milyong piso.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng ahensya na gawing mas kapana-panabik at rewarding ang bawat draw para sa mga mananaya sa buong bansa.
Ipinaliwanag niya na bagama’t magkakaroon ng kaunting adjustment sa presyo ng ticket, ang layunin nito ay magbigay ng mas magandang balanse sa pagitan ng panganib at premyong maaaring makuha ng mga manlalaro.
Mananatili pa rin ang progressive jackpot system kung saan patuloy na lalaki ang premyo sa bawat draw hangga’t walang nakakakuha ng tamang kombinasyon ng anim na numero.
Binigyang-diin din ni Robles na ang pagtaas ng jackpot ay hindi lamang para sa saya ng laro kundi para na rin sa pagpapalakas ng pondo para sa mga kawanggawa.
Ang bawat ticket na nabibili ay direktang nakakatulong sa mga programa ng PCSO sa kalusugan, tulong medikal, at mga social welfare projects na nagsisilbi sa milyun-milyong Pilipino.
Sa huli, pinapaalalahanan ng PCSO ang publiko na maglaro nang may pananagutan at tanging sa mga opisyal at authorized channels lamang kumuha ng impormasyon tungkol sa resulta ng mga bola. (Arnold Pajaron Jr)
