ANTIPOLO — Hindi hadlang ang tinamong hamstring injury para kay Roger Pogoy sa kanyang hangaring tulungan ang TNT Tropang Giga sa krusyal na Game 5 ng PBA Philippine Cup Finals ngayong Biyernes sa Ynares Center.
Sa kabila ng muling pag-atake ng kanyang injury sa nakaraang laro, nanindigan ang veteran guard na hangga’t kaya niyang dalhin ang sakit, hindi siya aatras sa laban.
Ayon kay Pogoy, bagama’t nakaramdam muli ng strain, kumpiyansa siyang makakabalik sa court.
“Na-strained ulit pero sobrang liit lang talaga,” ani Pogoy. “Walang takot-takot. Mawala lang yung sakit lalaro ako.”
Inamin ng 33-anyos na pambato ng FEU na hindi pa 100% healed ang kanyang hamstring na una nang naging problema noong semifinals laban sa Barangay Ginebra. Matatandaang pinilit niyang maglaro noong Game 3 (95-89 talo), ngunit muling naramdaman ang kirot sa second quarter ng Game 4 sa Mall of Asia Arena.
Ibinahagi rin ni Pogoy na siya mismo ang nakiusap kay Coach Chot Reyes na huwag siyang ilabas sa serye sa kabila ng pag-aalangan ng coaching staff.
“Ano ba kaya mo? Baka bumigay ‘yan.” Tanong ni Coach Chot.
“Oo, kaya kong ilaro ito. Ako talaga ang nagpilit na gusto kong maglaro,” sagot ni Pogoy.
Aniya, ayaw niyang iwan ang kanyang mga kakampi lalo na’t tabla na ang serye sa 2-2 matapos ang dominanteng 110-87 panalo ng TNT sa Game 4.
Malaking moral booster para sa Tropang Giga ang presensya ni Pogoy, lalo na’t target ng koponan na makuha ang bentahe sa serye ngayong gabi. (Ron Tolentino)
