NAGSAGAWA ng rescue operation at evacuation efforts ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco, katuwang ang disaster response team ng lungsod, Navotas Police, Maritime Police at AFP sa mga residenteng nakatira sa Celestino St., Brgy. San Jose, dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha na dala ng high tide dulot ng nasirang pader ng isang pribadong kompanya na sinamahan pa ng patuloy na pagbuhos ng ulan. (JUVY LUCERO)
KAGAAD nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang rescue operation at evacuation efforts sa mga residenteng nakatira sa Celestino St., Brgy. San Jose, dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha na dala ng high tide na sinamahan pa ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Ito’y matapos masira ang pader ng isang pribadong kompanya sa nasabing lugar na dahilan upang rumagasa ang malakas na agos ng tubig patungo sa mga kabahayan kaya mabilis na lumikas ang mga residente.
Pinangunahan mismo ni Mayor John Rey Tiangco ang pag-rescue at pagpapalikas sa mga pamilyang apektado ng pagtaas ng tubig, katuwang ang disaster response team ng lungsod, Navotas Police, Maritime Police, AFP at iba pang rescue volunteers.
Pagbabayarin umano ng pamahalaang lungsod ang kompanyang nagmamay-ari ng nasirang pader habang pinaalalahanan ni Mayor Tiangco ang lahat na nakatira sa tabing-dagat o ilog na lumikas na para sa kaligtasan ng kanilang pamilya.
Tuloy-tuloy din ang isinasagawang libreng sakay ng pamahalaang lungsod sa mga rutang lubhang apektado para matulungan ang mga stranded na commuter, gayun din ang relief operations at serbisyong pangkalusugan sa mga evacuation center.
