VALENZUELA CITY – Kumalat ang langis, bumaho ang paligid, at nagreklamo ang taumbayan! Dahil dito, ipinasara agad-agad ni Mayor Wes Gatchalian ang Maxima Steel Mills Corp. matapos matuklasang nagdudulot ito ng oil spill sa mga estero na nag-uugnay sa Brgy. Lingunan at Brgy. Veinte Reales.
Sa bisa ng Executive Order na nilagdaan noong July 24, inutusan ang agarang temporary closure ng nasabing planta na pinaniniwalaang responsable sa tagas ng langis na bumaho sa buong paligid at nagdulot ng panganib sa kalusugan at kapaligiran.
Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), nagsimula ang lahat nang mag-ulat ang mga residente ng matinding baho mula sa estero. Isang inspection team ang agad ipinadala—kasama ang Sanitation Office, Bureau of Fire Protection, at mga tauhan ng barangay.
At boom! Na-trace ang pinanggalingan—walang iba kundi ang MAXIMA Steel Mills. Tagas ng langis ang sanhi ng mabahong amoy at madilim na tubig na patuloy na kumakalat sa mga daluyan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ilang mabibigat na paglabag ang kinakaharap ngayon ng kumpanya tulad ng walang kaukulang permit bilang manufacturer ng steel bars, lumabag sa Sanitation Code sa paglikha ng public nuisance at mabahong effluent, nilabag ang Clean Water Act dahil sa ilegal na pagtatapon ng maruming tubig at pagtatago ng ebidensya at sinagasaan ang Oil Pollution Compensation Act sa ilegal na pagtapon ng langis sa tubig-tabang.
Kaugnay nito, sinimulan na rin ng City Health Office ang pamimigay ng facemasks, gamot, at health education materials sa mga apektadong residente. “Hindi namin hahayaang malagay sa peligro ang kalusugan ng mamamayan!” ayon sa opisina ni Mayor Gatchalian.
Sa pulong sa pagitan ni Mayor Wes at pamunuan ng Maxima Steel Mills, sumang-ayon ang kumpanya sa pansamantalang pagsasara habang inaayos ang mga kakulangan at iniimbestigahan ang lawak ng pinsala.
“Walang negosyo ang higit sa kalusugan at kapaligiran,” diin ng alkalde.
