MANILA — Isinusulong ngayon ng Murang Kuryente Party-list sa pamumuno ni Rep. Arthur Yap ang panukalang tanggalin ang 12% Value Added Tax (VAT) sa singil ng kuryente para mapagaan ang pasanin ng mga konsumer.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Yap na panahon na para repasuhin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA Law) o Republic Act 9136, na siyang nagtatakda ng buwis sa paggamit ng kuryente.
“Panahon na para alisin ang 12% VAT sa kuryente. Napakahirap na ng buhay ngayon. Dapat mabawasan man lang ang gastusin ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Yap.
Ayon sa mambabatas, naihain na niya ang panukala sa Kamara at naniniwala siyang susuportahan ito ng karamihan sa mga kongresista, dahil ito ay direktang makakatulong sa mga ordinaryong mamamayan.
Sa ilalim ng kanyang panukala, ang 12% VAT removal ay ipatutupad sa mga kumukonsumo ng hanggang 300 kWh kada buwan — karaniwang saklaw ng mga pamilyang may mababang kita.
Hinimok din ni Yap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nang mangutang at bawasan ang mga pondo para sa ayuda, kapalit ng mas konkretong hakbang tulad ng pagbabawas ng buwis sa kuryente.
“Hindi naman malaking kawalan sa gobyerno kung aalisin ang VAT sa kuryente, pero napakalaking ginhawa nito para sa mga Pilipino,” giit ni Yap.
Matatandaan na una na ring nanawagan si Sen. Rodante Marcoleta na tanggalin ang 12% VAT hindi lang sa kuryente kundi maging sa ibang pangunahing bilihin upang makatulong sa publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Matatag, episyente at abot-kayang suplay ng kuryente sa franchise area tiniyak ng Meralco
Samantala, tiniyak naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na mananatiling matatag at episyente ang suplay ng kuryente sa kanilang franchise area, kasunod ng patuloy na modernisasyon at pamumuhunan ng kompanya sa distribution infrastructure.
Ayon sa kanya, hindi problema ng mga lugar na sakop ng Meralco ang accessibility at efficiency ng kuryente dahil sa mga ginawang investment ng kompanya.
“Dito sa Meralco franchise area, hindi natin problema ang accessibility and efficiency. We have invested in our distribution infrastructure at sinisiguro naming maayos ang supply sa pamamagitan ng competitive selection process,” ani Zaldarriaga.
Ipinunto rin ng opisyal na higit 60% ng kabuuang singil sa kuryente ay napupunta sa generation cost — o ang aktwal na gastos sa paggawa ng kuryente bago ito maipasa sa mga distribution lines.
“We pay for the actual cost of power — from production, transmission, hanggang sa pagdaan nito sa aming distribution system. Lahat iyon may aktwal na cost,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Zaldarriaga, ang average share ng distribution cost sa kabuuang bayarin ay nasa 12–15% lamang, habang ang bulk ng singil ay napupunta sa generation companies.
Sinabi rin ni Zaldarriaga na may mga panukalang reporma sa pagbubuwis sa sektor ng enerhiya, kabilang ang posibilidad na bawasan o alisin ang ilang bahagi ng buwis upang mapababa ang presyo ng kuryente.
“May mga moves ngayon para tingnan kung puwedeng bawasan o i-exempt ang ilang bahagi ng buwis. Kung mangyari ‘yan, malaking tulong sa mga consumer,” ayon sa tagapagsalita.
Ipinaliwanag din niya na ang mga customer ng Meralco ay nahahati sa dalawang kategorya:
- Captive customers — mga residential consumer tulad ng mga ordinaryong kabahayan, at
- Contestable customers — malalaking negosyo o establisimyento na may konsumo na higit 500 kilowatts.
Ayon kay Zaldarriaga, inaasahang ibaba pa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang threshold mula 500kW patungong 100kW, na makatutulong upang mas maraming customer ang makinabang sa mas mababang generation cost.
“Hopefully, that will further lower costs for more customers. Pero hindi lang presyo ang dapat tutukan, kundi pati energy efficiency at security,” aniya.
Sa kabuuan, tiniyak ng Meralco na patuloy nitong itataas ang performance level upang mapanatiling maaasahan ang serbisyo sa gitna ng tumataas na pangangailangan sa enerhiya.
“As far as the Meralco franchise is concerned, our performance levels have been at par with the requirements of our customers,” pagtatapos ni Zaldarriaga. (Mina Paderna)
