Usap-usapan ngayon sa social media ang viral video ni Mayor Kit Nieto ng Cainta matapos niyang kantahin ang ‘What Matters Most’ ni Kenny Ranklin, na alay niya sa mag-asawang kinasal sa ilalim ng programang Kasalang Bayan, ilang buwan na ang nakalipas, bago pumanaw ang isa sa kanila.
“It was very crude. Very raw. Walang recording, walang fine-tuning. Hiniram ko lang yung cellphone ng staff ko, tapos ginamit ko yung sa akin pang-record. Dalawang cellphone lang, ako lang mag-isa,” pagbabahagi ni Nieto sa panayam ng PaMaMaRisan-Rizal Press Corps.
Ayon sa kanya, naantig siya sa kwento ng mag-asawang nagpakasal kahit alam nilang may taning na ang buhay ng babae.
Kwento nito, nasa sementeryo siya noong Undas upang mamigay ng kandila nang lapitan siya ng isang lalaki.
“Sabi niya, ‘Mayor, natatandaan niyo po ba ako? Ako po yung inanak niyo sa kasal sa Cambridge na umiiyak. Kinasal kami mga dalawang buwan na ang nakakaraan,’” lahad ni Nieto.
“Kinumusta ko siya. Tapos tinuro niya yung puntod mga ilang metro ang layo sa amin. Sabi niya, ‘Wala na po ang misis ko,’” ani Nieto.
Ipinakita pa raw ng lalaki ang litrato nila noong kasal.
“Sabi niya, ‘May sakit na kasi siya nyan. Pero pinilit naming pakasal kahit may taning na siya. Kaya ako umiiyak noon,’” kwento ng mayor.
Dagdag pa niya, sadyang hindi na niya kinuha ang pangalan ng lalaki upang hindi ito maging sentro ng publicity, kundi maiparating lamang ang mensahe ng pagmamahal at pag-asa.
“Mine was really to inspire people to always stay in love, no matter where you are, in whatever situation you are in,” sabi pa niya.
Nagulat si Nieto nang biglang dumami ang views at naging viral ang naturang video.
“Siguro kasi maraming naka-relate. Para sa akin, success na ‘yon kung may na-inspire akong tao na pahalagahan ang pagmamahal,” dagdag niya.
Para kay Nieto, ang simpleng tribute ay paalala na maiksi lang ang buhay, at dapat pahalagahan ang oras at taong mahal mo habang nandyan pa.
“How blessed you are that you had the chance to love and be loved. Maraming tao ang hindi nabigyan ng ganung pagkakataon,” wika ni Nieto.
Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 773,000 views at 36,000 reactions ang viral video ni Mayor Kit Nieto. (Arnold Pajaron Jr)
