Muling kinilala ang Lungsod ng Marikina bilang isa sa mga huwarang lokal na pamahalaan sa bansa matapos tanghalin itong multi-awarded winner sa 2025 Urban Governance Exemplar Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – NCR.
Ginawaran ng DILG ang Marikina dahil sa kahusayan nito sa kalinisan, kaligtasan, at mabuting pamamahala, sa seremonyang ginanap sa Novotel Manila, Quezon City nitong Martes, Nobyembre 4.
Kabilang sa mga parangal na tinanggap ng lungsod ay ang mga sumusunod:
- 1st Place – Manila Bay Clean-Up, Rehabilitation, and Preservation Program
- Ideal Functionality – Local Council for the Protection of Children (Performance Year 2024)
- Highly Functional – Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children (2025 Functionality Audit)
- Significant and Invaluable Partner – Advancing a Safe, Secure, and Drug-Free NCR
- Top Performer – MBCPRP Informal Settler Families Cluster
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, ang mga parangal ay patunay ng tuluy-tuloy na pagsisikap ng Marikina upang maging malinis, ligtas, at maayos na lungsod.
“Ang mga gantimpalang ito ay bunga ng ating sama-samang pagsisikap bilang mga Marikeño. Kalinisan, kaligtasan, at mabuting pamamahala ang pinanghahawakan natin,” ani Teodoro.
Nagpasalamat din ang alkalde sa DILG sa pagkilala, at sa mga empleyado at residente ng Marikina sa kanilang patuloy na suporta at malasakit sa lungsod.
“Ang mga pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang lalo naming palakasin ang mga programa sa environmental protection, public safety, at social welfare,” dagdag pa niya.
Ang Urban Governance Exemplar Awards ay pangunahing programa ng DILG–NCR na nagbibigay-pugay sa mga natatanging lokal na pamahalaan sa rehiyon na mahusay na nagpapatupad ng mga polisiya at serbisyo para sa kanilang mamamayan.
Sinusuri ng DILG ang mga lungsod sa pamamagitan ng mahigpit na audit at monitoring system, upang matukoy ang mga pinakamahusay sa pamamahala at serbisyo publiko. (Arnold Pajaron Jr)
