Matinding takot sa buhay ang dahilan kung bakit ayaw nang umuwi sa Pilipinas ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ayon mismo sa kanyang abogado na si Atty. Ruy Rondain.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Nobyembre 5, sinabi ni Rondain na “deathly afraid” si Co dahil sa seryosong banta sa kanyang buhay kasunod ng kontrobersiya sa umano’y maanomalyang flood control projects na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
“One half of the country wants to throw him in jail and throw away the key, the other half wants to string him up by the nearest tree,” pahayag ng abogado. “Would you come home under those circumstances?”
Kaugnay nito, inamin din ni Rondain na wala siyang alam sa kasalukuyang kinaroroonan ng kanyang kliyente.
“I never asked where he is because it’s not relevant for his defense. I don’t want to have to lie to any of you when you ask me that question,” paliwanag pa niya.
Sinabi pa ng abogado na posibleng makadalo si Co sa mga pagdinig ng Senado kapag humupa na ang banta sa kanyang buhay.
Matatandaang umalis ng bansa si Co patungong Estados Unidos para umano sa medical check-up sa puso.
Ngunit binawi ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang travel clearance noong Setyembre 19, at makalipas lamang ang ilang araw, nagbitiw na ito sa Kongreso noong Setyembre 29, dahilan umano ang “totoo at malubhang banta sa buhay ng kanyang pamilya” at “pagtanggi sa kanyang karapatang legal.” (Mina Paderna)
