Magandang balita para sa mga kawani ng gobyerno! Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na maagang matatanggap ngayong Nobyembre 2025 ang year-end bonus at P5,000 cash gift ng lahat ng government employees.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, alinsunod sa Budget Circular No. 2024-3, ipalalabas ang nasabing benepisyo kasabay ng unang payroll ng Nobyembre 2025.
“Ang DBM ay kaisa ng Pangulo sa pagpaparamdam ng ‘Bagong Pilipinas’ sa ating mga lingkod-bayan. Pinapahalagahan po natin ang sipag at kahusayan ng ating mga empleyado kaya sinisiguro nating maibibigay sa tamang oras ang kanilang mga benepisyo,” pahayag ni Pangandaman.
Dagdag pa ng kalihim, alam ng DBM na inaabangan ng mga kawani ang panahong ito hindi lang dahil panahon ng pagbibigayan, kundi bilang parangal sa kanilang sakripisyo at serbisyo sa bayan.
Para sa Fiscal Year 2025, P63.69 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, habang P9.24 bilyon naman para sa P5,000 cash gift. Sakop nito ang mahigit 1.85 milyong manggagawa sa buong bansa.
Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay (batay sa sahod noong Oktubre 31), at ang P5,000 cash gift ay taunang ibinibigay bilang ganti sa kanilang kasipagan at dedikasyon. Pinaalalahanan din ng DBM ang lahat ng ahensya ng gobyerno na agarang iproseso at ipalabas ang mga benepisyo ayon sa umiiral na budget circulars. (Mina Paderna)
