Nilinaw ng Vatican na si Hesus lamang ang tunay na Tagapagligtas ng mundo, at hindi dapat tawaging “co-redeemer” o “co-redemptrix” ang Mahal na Birheng Maria.
Sa bagong kautusan na inaprubahan ni Pope Leo, sinabi ng Vatican’s doctrinal office na hindi nararapat gamitin ang titulong “co-redeemer” para kay Maria dahil maaari itong magdulot ng kalituhan sa pananampalatayang Kristiyano.
“It would not be appropriate to use the title ‘co-redemptrix’,” ayon sa dokumento. “Ang ganitong katawagan ay nagdudulot ng kawalan ng balanse sa katotohanan ng pananampalataya.”
Giit ng Vatican, si Hesus lamang ang nagligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanyang pagpapako sa krus at kamatayan.
Matagal nang pinagdedebatehan ng mga iskolar ng Simbahang Katolika kung may papel ba si Maria sa pagtubos ng mundo, ngunit ngayon ay opisyal nang tinuldukan ng Vatican ang usapin.
Ang yumaong Pope Francis ay matagal nang tutol sa pagbibigay kay Maria ng titulong “co-redeemer,” at minsan pa nga niyang tinawag ang ideya na “kahangalan.”
“She never wanted to take anything for herself from her son,” pahayag ni Francis noong 2019.
Maging si Pope Benedict XVI ay tutol din sa nasabing titulo, habang si Pope John Paul II, bagamat unang sumuporta rito, ay tumigil sa paggamit ng nasabing katawagan noong kalagitnaan ng 1990s matapos ipahayag ng Vatican ang pag-aalinlangan dito.
Sa halip, binigyang-diin ng bagong utos ang mahalagang papel ni Maria bilang tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan.
“By giving birth to Jesus, she opened the gates of Redemption that all humanity had awaited,” ayon sa pahayag.
Batay sa Bibliya, tumugon si Maria sa anghel na naghayag ng kanyang pagbubuntis ng mga salitang, “Let it be.” (Limuel Tolentino)
