Umabot na sa 98 ang nasawi matapos hagupitin ng bagyong “Tino” ang Cebu noong Martes, Nobyembre 4. Ayon sa Emergency Operations Center (EOC) ng lalawigan, mahigit 120,000 residente ang inilikas matapos lumubog sa baha at matabunan ng putik ang maraming bahay at imprastraktura.
Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Liloan na umabot sa 35 katao, ayon sa ulat ng EOC nitong Miyerkules, Nobyembre 5.
Kasunod nito, iniulat din ang 16 patay sa Compostela, 12 sa Mandaue City, 9 sa Danao City, 7 sa Talisay City, 6 sa Balamban, at 1 sa Consolacion.
Sa Cebu City, kumpirmado rin ang pagkamatay ng 12 residente dahil sa malawakang pagbaha, ayon kay Mayor Nestor Archival.
Patuloy pa rin ang search and rescue operations sa ilang barangay na lubog pa rin sa tubig at putik.
Aabot sa 120,874 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 968 evacuation centers sa buong lalawigan.
Dahil sa pinsala, isinailalim sa state of calamity ang buong Cebu matapos lagdaan ni Gov. Pamela Baricuatro ang isang Executive Order (EO) na pinagtibay sa emergency session ng Provincial Board.
“Ang deklarasyong ito ay magpapabilis sa relief at rehabilitation efforts upang agarang maipadala ang tulong sa mga biktima,” pahayag ni Vice Gov. Glen Socco.
Kasabay ng deklarasyon, pinahintulutan na ang paggamit ng Quick Response Funds (QRF) at iba pang pondo ng lokal na pamahalaan para sa rescue, relief, at recovery operations.
Ipapatupad din ang price freeze sa mga pangunahing bilihin alinsunod sa Republic Act No. 7581 (Price Act), katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Local Price Coordination Council.
Nagdulot din ang bagyo ng malawakang brownout at pagkawala ng tubig sa Danao, Bantayan, Tabogon, Medellin, at Daanbantayan, habang mahina at putol-putol ang signal ng telekomunikasyon sa karamihan ng mga bayan.
Patuloy na nananawagan ng tulong ang mga lokal na opisyal habang umaasa ang mga taga-Cebu na agad makabangon mula sa hagupit ni bagyong “Tino.” (Limuel Tolentino)
