ALBAY, Philippines — Bagama’t itinuturing na “bagitong politiko,” si Albay 2nd District Rep. Carlos “Caloy” Loria ay matagal nang konektado sa mga malalaking proyekto ng gobyerno bago pa man siya tumakbo sa Kongreso — sa pamamagitan ng Makapa Corporation, ang kumpanyang kanyang itinatag na umano’y kumita ng bilyon-bilyong piso sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa rehiyon ng Bicol.
Batay sa mga dokumentong nakalap ng Rappler mula 2021 hanggang 2023, mahigit P2.39 bilyon na halaga ng mga flood control project sa Albay at Sorsogon ang nakuha ng Makapa, kabilang ang mahigit 20 kontrata sa DPWH.
Ang pagiging contractor ay hindi labag sa batas, ngunit lumitaw ang mga tanong hinggil sa kontradiksiyon ng kanyang kampanyang “tunay na pagbabago” sa gitna ng mga kontratang hawak ng kanyang sariling kumpanya sa parehong ahensiyang dati niyang tinutuligsa.
“Mahirap paniwalaan ang laban kontra korapsyon kung dati ka nang nakikinabang sa bulok na sistema,” ani Nica Ombao, regional coordinator ng Gabriela-Bicol.
Isa sa mga proyekto ng Makapa ay ang rehabilitasyon ng flood control sa Quinale River sa hangganan ng Polangui at Libon — mga lugar na labis na nasalanta noong bagyong “Kristine” (Trami) noong 2024.
Bagama’t nagastos ang mahigit P125 milyon sa proyekto, nananatiling madalas pa ring bumaha sa lugar.
“Dinagdagan nila, pero walang pagbabago. Sana epektibong proyekto na talaga,” hinaing ni Morly Ortiz, residente ng Polangui.
“Hanggang leeg ang tubig, nawala lahat ng gamit at alaga naming hayop,” dagdag ni Myrna Mirandilla ng Libon.
Ayon sa Kilusan ng Magbubukid sa Pilipinas (KMP)-Bicol, ang mga palpak at maanomalyang flood control project ang dahilan kung bakit mas malala ang pagbaha at pinsala sa agrikultura sa rehiyon.
Noong 2024, tinatayang ₱403.8 milyon ang agricultural losses sa Albay dahil sa Kristine.
Hindi lang konstruksiyon, kundi pati quarrying operations sa Ligao at Guinobatan ang pinapatakbo ng Makapa — isang industriyang matagal nang isinisisi ng mga taga-Albay sa paglala ng pagbaha.
Ayon sa mga satellite image mula sa Google Earth Pro, malinaw ang mga palatandaan ng malawakang pinsala sa kalikasan sa mga lugar ng operasyon.
Noong 2024, ipinangako ni Loria na magdi-divest siya sa Makapa at hindi na ito sasali sa mga proyekto sa Albay.
Ngunit batay sa Securities and Exchange Commission (SEC) records, nananatili ang kanyang pamilya bilang malalaking shareholders ng kumpanya.
Habang tinanggal na sina Loria at misis niyang si Roslyn sa listahan ng mga may-ari nitong Oktubre, dalawa nilang anak — sina Patricia Karla at Karla Nicole Elvira — ay nananatiling top shareholders.
Mga proyektong hawak ng Makapa (2021–2023):
- Quinale “B” River Flood Mitigation, Malinao, Albay – P144.7M
- Nabonton River Project, Ligao City – P125.4M
- Quinale “A” River Flood Mitigation, Polangui–Libon – P125.3M
- Cadac-an River Flood Structure, Sorsogon – P174.4M
- Fatima Seawall Phase 3, Tabaco City – P96.5M
- at iba pa, na umaabot sa mahigit P2.3 bilyon sa kabuuan.
Tinaguriang “Rosaloria tandem,” tumakbo si Loria kasama si Gov. Noel Rosal sa ilalim ng PDP–Laban, partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang nagpatupad noon ng ilang kontrobersyal na flood control projects.
Habang tumitindi ang batikos, nananatiling tahimik ang kampo ni Loria. Ilang ulit nang sinubukan ng media na kunin ang kanyang panig ngunit tanging chief of staff lamang ang tumugon.
Patuloy ang tanong ng mga taga-Albay: kung si Loria ay kumakatawan sa “tunay na pagbabago,” bakit tila nakaugat pa rin sa lumang sistema ng proyekto at politika ang kanyang pangalan? (Limuel Tolentino)
