Opisyal nang itinalaga ng Esports World Federation (ESWF) ang Pambansang Kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao bilang Virtual Boxing Ambassador ng organisasyon.
Ang walong dibisyong world champion, na kinikilalang isa sa pinakadakilang atleta sa kasaysayan ng boksing, ay magsisilbing tulay sa pagitan ng tradisyunal na sports at esports, ayon sa anunsyo ng ESWF nitong Miyerkules.
“Ikinararangal naming maging bahagi ng ESWF family si Manny Pacquiao,” pahayag ni Gio Colmenares, Director ng Esports World Federation.
“Ang kanyang legasiya bilang atleta at makatao ay inspirasyon sa milyon-milyon sa buong mundo. Sa kanyang pakikilahok, mas mapapalakas ang koneksyon ng traditional sports at esports,” dagdag pa nito.
Bilang ESWF Virtual Boxing Ambassador, tutulong si Pacquiao na itaguyod ang esports bilang plataporma ng pagkakaisa, paghubog ng talento, at pandaigdigang kooperasyon, lalo na para sa bagong henerasyon ng mga manlalaro at tagasuporta ng esports.
Ayon sa federation, sumasalamin si Pacquiao sa mga halagang pinanghahawakan ng esports community (disiplina, determinasyon, at dedikasyon) na siyang nagtulak sa kanya upang maging simbolo ng tagumpay sa loob at labas ng ring. (Mina Paderna)
