Si NBI Director Melvin Matibag sa 'MACHRA Balitaan' kasama sina (kaliwa) MACHRA President Itchie Cabayan at Board Chair Diann Calucin. (Arsenio Tan)
May hawak nang mga impormasyon at “leads” ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kasalukuyang kinaroroonan ng nagtatagong si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa kaniyang pagharap sa “MACHRA Balitaan” news forum ngayong Martes, Mayo 19, 2026, nanawagan si NBI Director Atty. Melvin Matibag kay Dela Rosa na sumuko na sa batas dahil bilang dating opisyal ng pambansang pulisya, ito ang higit na dapat nakauunawa sa proseso ng pagpapatupad ng batas.
Bagamat may mga sinusundang indikasyon ang NBI kung nasaan nagtatago ang senador, tumanggi si Matibag na magbigay ng detalye upang hindi maantala ang operasyon, ngunit nag-iwan ng pahayag na kung mayroon mang dapat tanungin sa kinaroroonan nito ay walang iba kundi si Senator Robin Padilla dahil ito umano ang huling kasama ng mambabatas.
Binigyang-diin ni Matibag na panahon na upang alisin ang “feudal thinking” o ang kaisipang “Senador ako” dahil sa bandang huli, hindi ang posisyon kundi ang naging aksyon kung naaayon ba sa batas ang titignan.
Ipinagunita pa ng NBI Chief ang ginawa nina dating mambabatas Antonio Trillanes IV at Leila de Lima na mapagpakumbabang sumunod sa proseso at sumuko nang ihain sa kanila ang warrant of arrest noong sila ay nakaupo pang mga senador.
Kaugnay naman sa panawagan ni Senate President Alan Peter Cayetano na suspindihin din siya—gaya ng ginawa ng Ombudsman sa pinuno ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na si retired Gen. Mao Aplasca na sinuspinde ng anim na buwan nang walang sweldo—matigas ang naging depensa ni Matibag.
BASAHIN: NBI Chief Matibag: Inarestong NBI volunteer sa Senado, walang dalang baril
Giit ng NBI Director, hindi ang kaniyang mga tauhan ang unang nagpaputok na nagpalala sa gulo at wala silang mga ahente sa loob ng Senado nang sumiklab ang kaguluhan.
Tahasang rumesbak si Matibag at sinabing kung mayroon mang dapat patawan ng suspensyon o magbitiw sa puwesto dahil sa prinsipyo ng command responsibility, ito ay walang iba kundi si Senate President Cayetano na siyang pinuno at may kontrol sa buong Senado kung saan nangyari ang gulo.
Kinuwestiyon ni Matibag kung sino ba ang may command responsibility sa OSAA na unang nagpaputok ng baril at kung sino ang tumatayong ulo ng institusyon.
Gayunpaman, pormal na inihayag ng NBI chief na handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon at tanggapin ang kahihinatnan kung mapatutunayang mayroon siyang pagkakamali.
Idinagdag ni Matibag na malapit nang matapos ang sariling imbestigasyon ng NBI at nakita na niya ang mga sapat na ebidensya, ngunit ipapasa nila ang pinal na konklusyon sa Department of Justice (DOJ) na naglatag na ng panel investigators.
Nilinaw din ng opisyal na kaya walang NBI sa loob ng compound ng Senado nang gabing iyon ay dahil tinutupad niya ang isang “gentleman’s agreement” kay Cayetano; nirerespeto ng NBI ang resolusyon ng Senado na isailalim sa protective custody si Dela Rosa kapalit ng pangako ng Senate President na hindi patatakasin ang senador. (Arsenio Tan)
