Sa gitna ng matinding trapiko sa Metro Manila na kabilang sa pinakamasahol sa buong mundo ayon sa 2025 TomTom Traffic Index, patuloy na umaarangkada ang P229-bilyong North-South Commuter Railway (NSCR) Project, na inaasahang magiging game-changer sa modernisasyon ng transportasyon sa bansa.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin ng proyekto na hindi lang pabibilisin ang biyahe kundi magbigay din ng pampasiglang ekonomiya sa mga probinsiyang tulad ng Bulacan, Pampanga, at Laguna sa pamamagitan ng mas maginhawang koneksyon at libu-libong bagong trabaho.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Transportation (DOTr), umabot na sa mahigit 65% ang progreso ng Manila-Clark segment (Phase 1) ng proyekto.
- Narito ang detalyadong antas ng konstruksyon ng bawat bahagi ng NSCR:
- Tutuban–Malolos segment: 43% hanggang 78% tapos, depende sa petsa ng ulat
- Malolos–Clark segment: 33% hanggang 50% tapos (mid-2024 hanggang 2025)
Manila–Calamba segment: 7% hanggang 12% tapos — ang pinakamahirap na bahagi dahil sa right-of-way (ROW) issues at presensya ng informal settlers
Sa kabila ng mga balakid, tuloy-tuloy ang clearing at dismantling operations sa mga lugar na may obstruction. Naiulat na naresolba na ang ROW issues sa anim na pangunahing lugar mula Calumpit, Bulacan hanggang Clark, Pampanga — hudyat ng mas mabilis na konstruksyon sa mga susunod na buwan.
Dinisenyo ang NSCR upang umabot sa bilis na 130 kilometro kada oras, na inspirasyon sa mga modernong elevated railway system gaya ng nasa Dubai. Target nitong makapaghatid ng hanggang 800,000 pasahero kada araw, gamit ang Shinkansen-inspired Japanese technology na may automatic train control at earthquake-resistant features.
Bahagi ang NSCR ng “Build, Better, More” infrastructure agenda ni President Ferdinand Marcos Jr., na layong magbigay ng mas maayos, mabilis, at abot-kayang transportasyon para sa publiko habang binubuhay muli ang sektor ng tren sa bansa.
Kapag natapos, inaasahang malaki ang ibabawas sa oras ng biyahe mula Laguna hanggang Pampanga, isang malaking ginhawa para sa milyun-milyong Pilipinong araw-araw na nakikipagsapalaran sa trapiko ng Metro Manila. (Mina Paderna)
