BUMUHOS ang mga paratang sa social media laban sa tatlong makapangyarihang bilyonaryo at politiko sa Mindanao na umano’y ginagamit ang kanilang impluwensya bilang mga mambabatas upang makopo ang malalaking kontrata sa public works projects sa Surigao del Sur.
Ang tatlong personalidad ay sina Governor Johnny Ty Pimentel, CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola, at Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo, ay binabatikos dahil sa conflict of interest, political dynasty, at umano’y paggamit ng puwesto para palawakin ang kanilang mga negosyo sa konstruksyon.
Pinakamainit sa usapin si Governor Johnny Ty Pimentel, matapos mag-viral sa social media ang larawan ng umano’y P1-bilyong garahe kung saan nakapark ang walo niyang imported luxury vehicles.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo News Channel, ang nasabing garahe ay tumutugma sa disenyo ng isang kilalang interior design firm at nakita sa footage ng governor sa isang pulong kasama ang DOH-CARAGA.
Lumabas din sa mga dokumento ng Philippine Construction Association Board na si Pimentel ang may-ari at managing officer ng J & L Construction Corp., kumpanyang kumukuha ng malalaking proyekto sa DPWH.
Kilalang political clan ang mga Pimentel sa Surigao del Sur, kung saan ilang dekada na silang nagsasalitan sa mga posisyon mula gobernador hanggang kongresista.
Samantala, nasasangkot din sa isyu si Edwin Gardiola, dating transport executive at kasalukuyang kinatawan ng Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist.
Batay sa mga dating ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang kanyang kompanya na JSG Construction ay kabilang sa mga nakakuha ng bilyon-bilyong halaga ng proyekto mula DPWH sa ilalim ng Arroyo administration, kahit umano “B” license lamang ang hawak ngunit nakakakuha ng “Triple A” contracts.
Nauna na ring sinampahan si Gardiola ng BIR ng kasong kriminal noong 2012 dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng luxury cars gaya ng BMW, Lexus, at Jaguar, taliwas sa mababang income declaration ng kanyang mga kompanya.
Itinanggi naman ni Rep. Romeo Momo Sr. ang alegasyong may conflict of interest sa mga proyekto ng Surigao La Suerte Corp., na pagmamay-ari ng kanyang anak na si Ruel Momo, kasalukuyang provincial board member.
Ayon kay Momo, hindi siya bahagi ng kumpanya at wala itong proyekto sa kanyang distrito.
Ngunit sa isang ulat ng Bilyonaryo News Channel, nakakuha umano ang La Suerte Corp. ng 31 DPWH projects na nagkakahalaga ng P1.1 bilyon sa Caraga Region mula 2017 hanggang 2024.
Ipinagdiinan ng kongresista na ang mga kontratang ito ay inalok bago siya mahalal, at bahagi ng 2021 budget noong termino pa ni dating Rep. Prospero Pichay.
Sa kabila ng mga paratang, nanindigan si Momo na bukas siya sa panukalang gawing public document ang mga SALN ng mga kongresista, alinsunod sa House Resolution No. 271 na inihain ni Rep. Jose Manuel Diokno ng Akbayan Partylist.
Habang patuloy ang imbestigasyon ng House Committee on Public Works at Appropriations, nananatiling sentro ng usapan sa publiko ang tanong:
Hanggang saan nga ba ang linya sa pagitan ng negosyo at serbisyo publiko?
