Sa isang bihirang pagkakataon, naging tapat ang aktres na si Cristine Reyes sa pagbabahagi ng mga mapapait na karanasan sa kanyang dating naging asawa, na tinawag niyang isa sa kanyang mga pinagsisisihan.
Sa kanyang guesting sa ‘The Sexytime Podcast’ nina Isabelle at Ava Daza, inamin ni Cristine na ang desisyon niyang pakasal noong 2016 ay bunsod lamang ng pressure mula sa lipunan matapos siyang mabuntis.
“‘Yun ‘yung mistake ko… Nagpa-pressure ako sa society na, ay, hindi ako married, tapos pregnant ako so kailangan kasal kami. Tapos inisip ko si Amara. Gusto ko siya bigyan ng family, buo. Wala, mali pala,” pag-amin ng aktres.
Ikinuwento ni Cristine na na-impress siya noon sa kanyang dating asawa, ang mixed martial artist na si Ali Khatibi, dahil sa pagiging “different” nito sa mundo ng showbiz. Inilarawan niya ito na may “bad boy feels” at pagiging fighter na labis niyang hinangaan.
Ngunit sa kabila ng imahe ng isang masayang pamilya sa social media, ibinunyag ni Cristine na dumanas siya ng abuso at panlalalamig mula sa dating partner.
Ayon sa aktres, hindi rin ito umuuwi sa kanilang bahay at mas madalas umanong nasa casino kasama ang ibang babae.
Pinili ni Cristine na manahimik noon dahil sa pangambang walang maniniwala sa kanya. “Sino maniniwala? Sasabihin niya, ‘Si Cristine Reyes ka, eh. Matapang ka’,” aniya.
Ang huling mitsa ng kanilang pagsasama ay nang makalimutan ng dating asawa ang kanilang wedding anniversary. Ayon kay Cristine, kahit bulaklak o dinner man lang ay wala siyang natanggap. Dito na siya nagpasyang makipaghiwalay matapos mapagtanto na sa loob ng limang taon ay hindi man lang siya nayaya nito sa isang maayos na date.
Inamin din ng aktres na may pagkukulang din siya dahil hinayaan niyang mangyari ang ganoong sitwasyon sa mahabang panahon.
Sa kasalukuyan, annulled na ang kasal nina Cristine at Ali, at nananatili silang co-parents para sa kanilang anak na si Amara.
Nitong Agosto 2025, kumpirmadong nasa isang bagong relasyon na si Cristine sa isang non-showbiz partner na nakilala na niya noon pa mang nasa grade school sila.
Mukhang matapos ang madilim na kabanata, mas masaya at payapa na ngayon ang puso ng aktres.
