Bagsak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos tangkaing takasan ang isang Oplan Sita operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga ilegal na armas, pampasabog, at droga sa Barangay Kapitolyo kahapon, Mayo 1, 2026.
Bandang 1:45 ng hapon nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Ortigas Police Sub-Station, Tactical Motorcycle Riding Unit, at Barangay Security Force ang mga suspek sa kanto ng Brixton at Reliance Streets.
Sakay ng isang asul na Yamaha Aerox, sa halip na huminto para sa inspeksyon, pinasibad ng mga suspek ang kanilang motor.
Agad silang hinabol ng mga operatiba ng Pasig PNP. Sa gitna ng pagtakas, bumangga ang mga suspek sa isang inosenteng rider, dahilan upang sumemplang ang kanilang motor at tuluyang masakote ng mga awtoridad.
Sa isinagawang search sa mga suspek na kinilalang sina alyas “Dexter” at alyas “Christian,” kapwa residente ng Western Bicutan, Taguig City, nakuha ng mga awtoridad ang isang caliber .45 pistol na may pitong bala, isang caliber .22 pistol na may pitong bala, isang hand grenade o granada, at tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng labinlimang gramo, bukod pa sa ginamit nilang asul na Yamaha Aerox.
Dahil sa mga nakuhang ebidensya, nahaharap ang dalawa sa patung-patong na demanda kabilang ang paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 para sa Illegal Possession of Explosives, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Maliban dito, sasampahan din sila ng kasong Disobedience sa ilalim ng Article 151 ng Revised Penal Code at Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries and Damage to Property dahil sa nangyaring banggaan sa gitna ng kanilang pagtakas.
Binigyang-diin ni Pasig City Police Chief, PCOL Hendrix B. Mangaldan, na ang tagumpay na ito ay bunga ng masiglang ugnayan ng pulisya, barangay, at tulong ng CCTV monitoring sa ilalim ng Safer Cities Initiative.
“Patuloy ang Pasig PNP sa pagpapatupad ng batas nang may integridad at bilis upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan,” pahayag ni PCOL Mangaldan bilang papuri sa kanyang mga tauhan.
