Opisyal na inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) na naging pangkalahatang mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa buong lungsod nitong Mayo 1, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Randy Glenn Silvio, iniulat ng QCPD na walang naitalang anumang malaking insidente na nakagulo sa mga aktibidad na idinaos sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa pakikipagtulungan sa Quezon City Local Government Unit (LGU) sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte, nagtalaga ang QCPD ng sapat na bilang ng mga pulis sa mga convergence areas o mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Layunin nito na matiyak ang seguridad ng publiko, maayos na daloy ng trapiko, at organisadong programa para sa mga manggagawa.
Naka-standby rin ang District Reactionary Standby Support Force (DRSSF) mula sa District Headquarters upang agad na makatugon sa anumang emergency o hindi inaasahang pangyayari habang isinasagawa ang mga kilos-protesta at selebrasyon.
Nagpaabot ng pasasalamat si PBGEN Silvio sa lahat ng naging katuwang ng kapulisan upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng stakeholders, kabilang ang Lokal na Pamahalaan ng Quezon City, mga volunteer groups, at ang publiko, sa kanilang suporta upang mapanatili ang kapayapaan sa pagdiriwang ng Labor Day,” ani PBGEN Silvio.
Sa kabila ng tagumpay ng operasyon, mananatiling nasa full alert ang QCPD at patuloy na magbabantay sa mga susunod pang aktibidad. Ito ay bahagi ng kanilang adhikain sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
