Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa tapat ng isang subdibisyon sa Barangay San Isidro nitong Biyernes ng gabi, Mayo 1, 2026.
Bandang 9:00 ng gabi nang makarinig ang mga residente sa paligid ng Golden Leaf Subdivision ng sunod-sunod na putok ng baril.
Pagkatapos ng mga putok, tumambad sa kanila ang isang L300 vehicle na nakahinto sa gilid ng kalsada at may mga tama ng bala sa bintana nito.
Nang rumesponde ang Punong Barangay sa pinangyarihan ng krimen, natagpuan ang biktimang kinilalang si alyas “Chakie” sa loob ng sasakyan na wala nang buhay at tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na kinordonan ng mga tauhan ng Sierra 4 ang lugar upang mapangalagaan ang mga ebidensya para sa gagawing technical investigation. Pinangunahan naman ni PCPT Hector S. Caubat Jr. ang isinasagawang follow-up operation para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek at upang malaman ang motibo sa likod ng pagpaslang.
Nagsagawa na rin ng local dragnet operation ang mga awtoridad at humingi na ng asistensya sa Rizal Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri sa crime scene.
Sa kasalukuyan, hindi pa nakikilala ang salarin na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Patuloy ang pangangalap ng impormasyon at CCTV footage ng Rodriguez Municipal Police Station upang mabigyang-linaw ang naganap na krimen at makamit ang hustisya para sa biktima.
