Posibleng dumanas ng paulit-ulit na pananakit sa loob ng isang buwan ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) na namatay matapos matagpuang walang malay sa loob ng Cebu City Jail Male Dormitory.
Base sa autopsy report ni Dr. Rene Cam, medico-legal officer ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Visayas, natuklasan na ang 37-anyos na biktimang si Fernando Abapo Prajes, alyas “Andot,” ay nagtamo ng maraming blunt injuries sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inihalintulad ni Dr. Cam ang mga pasa sa hita ng biktima sa mga pinsalang dulot ng paulit-ulit na pagpalo o paghataw gamit ang matigas na bagay (paddling).
Ang opisyal na sanhi ng kamatayan ay blunt traumatic injuries matapos umabot sa tinatayang 1,000 cc ang dugong namuo sa hita ng biktima dahil sa internal bleeding, na ayon sa eksperto ay hindi na kayang i-tolerate ng katawan.
Bukod dito, tinitingnan din ang posibilidad na dumanas ang biktima ng neurogenic shock dahil sa tindi ng sakit na hindi na kinaya ng kaniyang katawan.
Bukod sa mga pasa sa likod at hita, nakita rin ang mga gasgas o abrasions sa siko ni Prajes. Ayon sa NBI, itinuturing itong “defensive wounds” o palatandaan na sinubukan ng biktima na protektahan ang kanyang sarili habang hinahampas. Napansin din ang pamamaga sa maseselang bahagi ng katawan ng biktima.
Pinabulaanan din ni Dr. Cam ang unang ulat na “cardiac arrest” ang ikinamatay ni Prajes. Aniya, walang deperensya sa puso ang biktima at ang paghinto nito ay bunga lamang ng mga tinamong pinsala sa katawan.
“Ang biktima ay isang buwan pa lamang sa piitan… ngunit ang mga pinsalang ito ay hindi nangyari noong wala pa siya sa loob. Ibig sabihin, maaaring nangyayari ito halos araw-araw,” pahayag ni Dr. Cam.
Si Prajes ay nakulong noong Marso 25, 2026, dahil sa kasong statutory rape. Sa ngayon, hawak na ng Commission on Human Rights (CHR-7) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-7) ang resulta ng autopsy para sa kanilang magkahiwalay na imbestigasyon.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang mga responsable sa pagkamatay ng naturang preso.
