KULUNGAN ang kinabagsakan ng isang barangay kagawad nang makuhanan ng ilegal na droga sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Ver”, 55, Barangay Kagawad at residente ng Lakas ng Mahirap ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na alas-4:40 ng hapon, nagsasagawa ng drugnet operation ‘Oplan Sita’ ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa NDR Brgy. 155, Bagong Barrio nang parahin nila ang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Nang buksan ng suspek ang kanyang wallet para kunin ang driver’s license ay bumungad sa mga pulis ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tumitimbang ng humigi’t kumulang 0.6 gramo at nagkakahalaga ng P4,080 ang nakuhang umano’y shabu sa suspek na dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
