Sa kulungan ang bagsak ng isang 35-anyos na lalaki matapos matiyempuhan ng mga operatiba ng pulisya na may sukbit na baril habang pagala-gala sa kalsada sa lungsod, kamakailan.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Baltok,” na ngayon ay nahaharap sa mabigat na kaso dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento sa kaniyang armas.
Base sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality operation na “Oplan Bulabog-Galugad” ang mga tauhan ng Intelligence Section sa Brgy. 186 nang mapansin nila ang suspek.
Agaw-pansin umano ang naka-umbok sa baywang ni Baltok na lalong nagpatibay sa hinala ng mga pulis na may dala itong armas.
Hindi na nakapalag ang suspek nang lapitan siya ng mga operatiba at kumpiskahin ang isang kalibre .38 revolver na nakalagay pa sa holster nito.
Nang hingan ng mga awtoridad ng kaukulang lisensya o papeles para sa legalidad ng pagbitbit ng baril, walang naipakita ang suspek. Ito ang naging mitsa upang agad siyang posasan at dalhin sa himpilan ng pulisya.
Nahaharap na ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Nanatili namang alerto ang Caloocan Police sa ilalim ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga Loose Firearms upang mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan.
