Kapag may mga bagong batas sa buwis na ipinapasa, sino ba ang laging unang tinatamaan? Hindi ang mga bilyonaryo, kundi ang sektor na laging nagbubuhat sa ekonomiya—ang middle class.
Habang ang ilang mayayaman ay malayang nagpapakasasa sa karangyaan, ang mga ordinaryong empleyado na umaasa lamang sa buwanang sahod ang sinasampal ng pinakamabibigat na buwis.
Ngayon, ang Philippine middle class ay dahan-dahang ginigipit ng tinatawag na “squeeze economy.” Sila ang sumasalo sa nagtataasang presyo ng bilihin, nagmamahal na hulog sa utang, at bumabagal na paglago ng ekonomiya.
Ang masakit pa rito? Wala silang natatanggap na ayuda o subsidy mula sa gobyerno dahil “masyadong mataas” daw ang kanilang kinikita para mag-qualify.
Ayon kay John Paolo Rivera, isang senior economist mula sa Philippine Institute for Development Studies o PIDS, ang middle class ang tahimik na naging shock absorber ng bansa.
Nakakaranas sila ng tinatawag na budget compression—o ang sapilitang pagpapaliit ng badyet sa pagkain, kuryente, edukasyon, at pabahay para lang mapagkasya ang natitirang sahod.
Maging ang mga pamilyang umaasa sa padala ng mga OFW ay unti-unti na ring nagiging vulnerable.
Bakit? Dahil ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, bagamat lumalaki ang remittances, mas mabagal na ang pag-angat nito ngayon kumpara sa mga nakaraang taon.
Ang babala po ng mga eksperto, hindi pwedeng habambuhay na lang nating iasa sa pawis ng mga OFW ang pagtatakip sa mga butas at kahinaan ng ating lokal na industriya. Dapat nang mamuhunan ang pamahalaan sa agrikultura, manufacturing, at turismo.
Lalo pang naging masikip ang sinturon matapos itaas ng BSP ang key policy rate nito sa 4.75 porsyento nitong Hunyo—ang pinakamataas sa loob ng halos tatlong taon.
Idagdag mo pa ang projection ng World Bank na lalago lang ang ekonomiya ng bansa sa 3.7 porsyento ngayong 2026, na mas mababa sa target ng gobyerno hanggang 2028.
Dahil sa taas ng interes at sa gulo sa pandaigdigang merkado ng langis, ang mga negosyo ay natatakot na ring magpalawak o mag-expand.
Mas pinipili ng mga kumpanya na itago muna ang kanilang pera o kaya naman ay ilipat ang kanilang puhunan sa mga karatig-bansa sa Southeast Asia na mas may matatag na polisiya.
Babala pa ni Rivera, kung mananatiling mababa ang paglago ng Pilipinas sa mahabang panahon, hindi na natin pwedeng isisi ito sa labas ng bansa.
Ibig sabihin, ang mabagal na pag-unlad ay baka maging “new normal” na natin dahil sa hindi pag-aksyon sa mga lokal na problema tulad ng food security, imprastruktura, at kurapsyon.
Sa susunod na labindalawa hanggang labing-walong buwan, stabilization o pag-stabilize lang ang inaasahan at walang mabilis na pagbangon.
Hindi sapat na bumaba lang ang presyo ng langis, kailangang ibalik ng pamahalaan ang tiwala ng mga negosyante para mag-invest at magpa-sweldo, at bigyan ng kasiguruhan ang middle class na ang kanilang pinaghirapang sahod ay may kakayahan pang bumili ng disenteng buhay.
Hanggang kailan mananatiling “tahimik” ang middle class sa pagsalo ng mga hampas ng ekonomiya?
Kayo, nararamdaman niyo ba ang pitpit ng “squeeze economy” sa inyong mga bulsa ngayon?
