Iniharap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa publiko ang drayber ng trak na itinuturong kasangkot sa isang nakamamatay na hit-and-run incident sa Road 10 na ikinasawi ng isang 26-anyos na babaeng rider.
Sa programang Talk to the People, iprinisinta ang drayber na kinilalang si Jhonremond Laorden kasunod ng malawakang panawagan para sa hustisya sa pagkamatay ng biktimang si Neri Joy Matias noong Hulyo 6.
Sa kanyang pahayag sa programa, iginiit ni Laorden na hindi niya alam na nahagip o nabangga ng kanyang minamanehong trak ang biktima noong maganap ang insidente.
BASAHIN: Lalaki kinarnap motorsiklo ng dating katrabaho sa Cainta
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Isko Moreno sa isang testigo na naglakas-loob na magbigay ng mahahalagang impormasyon na naging susi upang mabilis na matunton at makilala ng mga otoridad ang suspek.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng seryosong komitment ng pamahalaang lungsod na panagutin ang mga may sala at magkamit ng hustisya ang mga biktima ng mga aksidente sa kalsada.
