Rehas ang bagsak ng isang lalaki matapos itong arestuhin ng mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station (MPS) dahil sa pagnanakaw umano ng motorsiklo ng kanyang dating katrabaho sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal gabi noong Hulyo 8, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Johnver, na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ayon sa ulat ng Cainta MPS, naganap ang insidente bandang alas-10:00 ng gabi sa Block 42, Road 18, Planters Floodway sa naturang barangay.
Lumabas sa imbestigasyon na ipinarada ng biktimang kinilalang si Harny ang kanyang puting Honda motorcycle upang bumili ng pagkain.
Gayunman, naiwan ng biktima ang susi sa ignition switch ng motorsiklo. Dito na sinamantala ng suspek ang pagkakataon kung saan aktwal na nakita ng biktima kung paano tinangay ni Johnver ang kanyang sakay patungo sa hindi malamang direksyon.
Agad na humingi ng tulong si Harny sa mga otoridad, na mabilis namang nagkasa ng follow-up operation na humantong sa pagkakadakip sa suspek.
Bagamat naaresto ang suspek, hindi pa narerecover o nababawi ang ninakaw na motorsiklo. Kasamang nawawala ang pitaka ng biktima na nasa loob ng compartment ng motor, na naglalaman ng kanyang Driver’s License, Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR) ng sasakyan, at cash na nagkakahalaga ng P950.00.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng batas, isinailalim ang suspek sa medical examination bago dinala sa Cainta MPS at tuluyang ipinasok sa custodial facility bandang alas-6:00 ng umaga noong Hulyo 9.
Inihahanda na ng mga otoridad ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa pamamagitan ng Inquest Proceeding.
