Photo: Sarangani PNP
Umakyat na sa 15 katao ang kabuuang bilang ng nasawi sa bansa ngayong Biyernes, Hulyo 10, matapos gumuho ang lupa sa Lanao del Sur na kumitil sa buhay ng lima pang indibidwal, bukod pa sa naunang 10 biktima sa Sarangani dahil sa hagupit ng Super Typhoon Inday at pinalakas na Habagat.
Ayon sa Lanao del Sur Police Office, naganap ang panibagong landslide sa Barangay Ngingir sa bayan ng Calanogas bandang alas-2:30 ng madaling araw. Dahil sa walang humpay na buhos ng ulan, lumambot ang lupa sa kabundukan at nabaon ang ilang kabahayan.
Kinumpirma ng pulisya na lima ang patay, dalawa ang sugatan, habang anim na iba pa ang kasalukuyan pang pinaghahanap. Nagpapatuloy ang search, rescue, and retrieval operations sa lugar kung saan mano-mano at gamit ang makinarya na naghuhukay ang mga otoridad upang mahanap ang mga nawawala.
Naging hamon naman sa mga responder mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), local disaster offices, at mga volunteer ang pagtungo sa site dahil hindi madaanan ng sasakyan ang mga kalsada kaya napilitan silang maglakad na lamang.
Bago ito, naitala naman ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagkasawi ng 10 katao sa Sitio Fandaw, Barangay Poblacion sa Malapatan, Sarangani matapos gumuho ang lupa sa isang bahay na tinitirhan ng dalawang pamilya.
Batay sa ulat ng OCD Region 12, naganap ang trahedya bandang alas-10:30 ng umaga matapos din ang ilang araw na pag-ulan na nagpalambot sa lupa.
Kinumpirma ni OCD Region 12 Director Rodrigo Sosmeña na narekober na ang bangkay ng lahat ng 10 biktima mula sa gumuhong lupa at mga labi ng bahay.
Sa pinakahuling datos ng OCD, umabot sa 10,984 pamilya o halos 50,000 indibidwal ang sinalanta ng masamang panahon sa Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen. Sa kasalukuyan, 1,777 pamilya ang pansamantalang pinalikas sa 22 evacuation centers habang nagpapatuloy ang preemptive evacuation sa mga high-risk communities. Naitatala rin ang malawakang pagbaha sa 74 na lugar sa Northern Mindanao, Soccsksargen, at BARMM.
Hindi rin nailigtas ang Kalakhang Maynila sa hagupit ng Habagat kung saan limang lungsod ang nakaranas ng matinding pagbaha. Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Flood Control Information Center, lubog sa baha ang ilang pangunahing kalsada sa Mandaluyong, Quezon City, Maynila, at Marikina, bagamat nanatili itong passable o maaaring daanan ng mga sasakyan.
Gayunman, idineklarang “not passable” o hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang outermost lane sa Valle Verde VI sa Pasig City dahil sa baha na lampas-tuhod ang lalim. Hindi rin pinalusot ang mga magagaan na sasakyan sa southbound innermost lane ng C5-Ortigas.
BASAHIN: Meralco, handa sa posibleng blackout dulot ng Bagyong Inday at Habagat
Dahil sa panganib ng baha at patuloy na buhos ng ulan, sinuspinde ang face-to-face na klase sa halos buong Metro Manila at lumipat sa asynchronous, modular, o alternative delivery modes. Kabilang sa mga nagkansela ng klase ang Caloocan, Las Piñas, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon City, San Juan, Valenzuela, at Maynila.
Inihayag naman ng PAGASA sa kanilang 11:00 ng umaga na bulletin na unti-unti nang humihina ang Bagyong Inday habang kumikilos ito pa-Northwest sa bilis na 20 kilometro bawat oras sa Philippine Sea patungo sa silangang bahagi ng Taiwan.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 570 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hangin na 140 kph malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 170 kph.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands, at hilagang-silangang bahagi ng Cagayan. Habang Signal No. 1 naman sa natitirang bahagi ng Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Abra, at silangang bahagi ng Mountain Province at Ifugao.
Inaasahang dadaan ang bagyo sa pinakamalapit na bahagi ng Extreme Northern Luzon sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng hapon patungong Japan at China.
Gayunman, nagbabala ang PAGASA na magpapatuloy ang malalakas na ulan dahil sa Habagat kaya’t pinaiingat pa rin ang publiko.
