Mas epektibo pa rin para sa functional literacy ng mga mag-aaral ang tradisyonal na “pen and paper” at face-to-face learning kaysa sa online o blended learning.
Ito ang binigyang-diin ni Pasig City Lone District Representative at House Committee on Basic Education Chairman, Congressman Roman Romulo, sa kanyang pagharap sa Kapihan sa Manila Bay Forum.
Ayon kay Cong. Romulo, bagaman kinikilala ang kahalagahan ng teknolohiya at digital tools, gaya ng mga ipinamamahaging laptops at tablets sa mga paaralan. hindi pa rin nito mapapantayan ang kalidad ng personal na interaksyon sa loob ng silid-aralan.
BASAHIN: Gatchalian: Dapat Pasiglahin ng Panukalang 2027 Budget ang Paglago ng Ekonomiya
Aniya, malaki ang papel ng tradisyonal na pamamaraan, partikular na sa pagtuturo ng pagbasa (reading comprehension) at matematika para sa mga mag-aaral na nasa Key Stage 1 o Kinder hanggang Grade 3.
Inihayag ng mambabatas na batay na rin sa mga pag-aaral, mas mabilis ang proseso ng pagkatuto kapag proactive ang mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng pagsusulat gamit ang papel at lapis, mas nagagamit at gumagalaw ang lahat ng cognitive abilities ng isang bata habang iniintindi ang kanyang binabasa.
Ipinaliwanag din ni Romulo na bagaman hindi maiiwasan ang pagpapatupad ng modular o blended learning dulot ng mga suspensyon ng klase dahil sa matinding init o mga bagyo sa bansa, marapat lamang na ituring itong “exceptional cases” o huling opsyon.
Binigyang-diin niya na ang pangkalahatang panuntunan pa rin na dapat sundin ay ang pisikal na pagpapapasok sa mga mag-aaral sa kani-kanilang mga silid-aralan kasama ang kanilang mga guro.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng Kamara ang mga paraan kung paano babalansehin ang paggamit ng teknolohiya nang hindi nakokompromiso ang mga pangunahing foundational skills na mas mabisang natututunan ng mga batang Pilipino sa pamamagitan ng tradisyonal na face-to-face na pamamaraan.
