Paglulunsad ng aklat na ‘PRESA’ kasama ang mga kawani ng NHCP at lokal na pamahalaan ng Kawit, Cavite
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
KAWIT, CAVITE – Sa lilim ng Dambanang Emilio Aguinaldo ay bumalik sa buhay ang mga dam nang tahimik.
Inilunsad ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933) ang ‘PRESA: The History and Heritage of Spanish Colonial Dam Building in the Philippines’ ni Edgar Allan M. Sembrano noong 25 Hunyo 2026 Huwebes ng hapon.
Si Sembrano ang kasalukuyang pangulo ng The Manila Studies Association, Inc. (MSA, itinatag 1989), manunulat, at kolumnista sa pahayagang Daily Tribune.
BASAHIN: “We Serve in Action: Lumipad ang Pag-asa sa Sitio Dike”
Ang aklat ay hindi lamang tala ng bato at semento. Kuwento ito ng irigasyon sa Cavite at Laguna mula sa ika-17 hanggang ika-19 na siglo – ang inhenyeriyang nagpakain sa bayan.
Binuksan ni Fr. Virgilio Saenz Mendoza ang programa sa panalangin. Tinanggap ni NHCP Tagapangulo Regalado Trota Jose Jr. ang mga historyador, opisyal, tagapagtaguyod ng kultura. Sinuri ni Dr. Maria Eloisa P. De Castro ang aklat, na sinundan ng kuwento mismo ng may-akda. At pinatibok ang puso ng lahat sa ginintuang tinig ni Bb. Lean Alcantara Aldea sa kaniyang “Patuloy sa Pagtuklas”.
Sa halagang Php 450.00 sa NHCP Bookstore ay mabibili na ang isang kapirasong kasaysayan.
