Mabilis na umaksyon ang mga Meralco crew para kumpunihin ang isang nasirang poste ng kuryente sa Sta. Maria, Bulacan.
Halos naibalik na ng Manila Electric Company (Meralco) ang suplay ng kuryente sa halos lahat ng mga customer na nawalan ng serbisyo dahil sa pag-alpas ng habagat na nanalasa sa franchise area ng distribution utility.
Dahil sa tuloy-tuloy na pagtatrabaho ng mga crew at tauhan ng kumpanya, bumaba na sa huling 2,800 na lamang ang natitirang apektadong customer—na mas mababa pa sa 1% ng kabuuang bilang ng mga customer ng Meralco. Higit 1,000 sa mga ito ay nasa mga lugar na nananatiling binabaha, at karamihan sa mga natitirang apektado ay matatagpuan sa ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite, at Bulacan.
“Walang tigil na nagtatrabaho ang aming mga crew at tauhan upang ganap na maibalik ang kuryente sa mga natitirang customer. Nagpapasalamat kami sa aming mga customer sa kanilang pagtitimpi at sa pag-uulat ng mga brownout sa kanilang lugar, na nakatulong nang malaki upang mapabilis ang aming restoration efforts,” pahayag ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications.

Samantala, naghahanda na rin ang One Meralco Foundation, ang corporate social responsibility arm ng kumpanya, ng mga relief pack para ipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na ulan at pagbaha. Sa mga susunod na araw, magtutungo ang Foundation kasama ang mga volunteer na empleyado ng Meralco sa mga nasalantang komunidad upang magpaabot ng tulong.
Para sa mga ulat ng nawalang kuryente at iba pang concern, maaaring makipag-ugnayan sa official Facebook page ng Meralco (www.facebook.com/meralco), X (@meralco), mag-text sa 0920-9716211 at 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
