Patuloy na isinusulong ng Manila Water ang responsableng pamamahala ng dumi sa pamamagitan ng paglalabas ng iskedyul ng desludging ngayong Setyembre. Layunin nitong pangalagaan ang mga daluyan ng tubig, protektahan ang kalusugan ng publiko, at ingatan ang ating mga yamang-tubig para sa mga susunod na henerasyon.
Kasabay ng patuloy na pagpapaunlad ng mga bagong pinagmumulan ng tubig at pagpapalawak ng imprastraktura, muling pinag-iibayo ng Manila Water ang programa nito sa pamamahala ng dumi sa pamamagitan ng nakatakdang desludging o pagsipsip ng poso negro ngayong buwan ng Setyembre.
Hinihimok ng Manila Water ang mga customer nito sa East Zone na lumahok sa naturang preventive sanitation service upang matiyak ang tamang pagtatapon ng dumi, at mapangalagaan ang kalusugan ng publiko at ang kalikasan.
Itatalaga ang mga desludging team ng Manila Water sa mga barangay ng Bagong Nayon, Sta. Cruz, at San Luis sa Antipolo City; San Andres sa Cainta; Sta. Ana sa Taytay; Pantok at Pila Pila sa Binangonan; Guitnang Bayan I sa San Mateo; San Jose, San Isidro, at San Rafael sa Rodriguez (Montalban); pati na rin sa mga bayan ng Baras at Jalajala sa Rizal. Kasama rin sa mga pupuntahan ang Concepcion Uno sa Marikina City; Bambang sa Pasig City; at ang mga piling lugar sa Sauyo, Blue Ridge A at B, Bayanihan, at Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Ayon sa kumpanya, nakatutulong ang regular na pagsipsip ng poso negro upang maiwasan ang pag-apaw ng dumi, pagkakasara ng mga tubo sa bahay, at pagtambak ng dumi sa mga ilog at sapa.
“Kinakailangan ang pamamahala sa kabuuang water cycle—mula sa pinagmumulan ng tubig hanggang sa pagbabalik nito sa kalikasan—upang maprotektahan ang ating mga yamang-tubig,” ayon kay Dittie Galang, Manila Water Corporate Communications Group Head. “Kasabay ng aming mga pamumuhunan sa supply ng tubig, nakatuon din kami sa pagpapalawak ng serbisyong sanitasyon para sa malinis na pamayanan at mga daluyan ng tubig.”
Ang regular na desludging tuwing ikalimang taon ay mahalaga para sa mga kabahayang gumagamit ng poso negro bilang pangunahing imbakan ng dumi.
Walang karagdagang bayad ang serbisyong ito para sa mga customer ng Manila Water.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na bigyan ng access ang mga tauhan ng Manila Water sa kanilang mga poso negro para sa mabilis at maayos na pagsasagawa ng serbisyo.
