Matagal nang laman ng mga kusina sa Pilipinas ang vetsin o monosodium glutamate (MSG) — pero hanggang ngayon, may agam-agam pa rin ang ilan sa paggamit nito. Masama nga ba talaga ito sa kalusugan? O baka naman mas mainam pa ito kaysa sa asin?
Narito ang 5 mahahalagang bagay na dapat mong malaman tungkol sa vetsin:
1. Natural ang pinagmulan ng vetsin
Akala ng marami, gawa sa puro kemikal ang MSG. Pero alam mo ba na galing ito sa damong-dagat na ginagamit sa paggawa ng Japanese soup base na dashi?
Noong 1908, natuklasan ng Japanese scientist na si Kikunae Ikeda ang MSG mula sa seaweed na Laminaria japonica. Sa ngayon, ginagamit na ang tubó (sugarcane) para gumawa ng MSG, gaya ng formulation ng sikat na brand na Ajinomoto.
2. Pinapalasa ng vetsin ang pagkain
Ang MSG ay nagbibigay ng umami, o “malinamnam” na lasa. Ginagamit ito para patingkarin ang lasa ng gulay, karne, at iba pa.
Maraming eksperto ang naniniwalang makakatulong ang MSG para mas mapakain ng masustansyang pagkain ang mga taong hindi mahilig sa gulay.
3. Aprubado ng US at PH FDA ang paggamit ng MSG
Ayon sa US Food and Drug Administration, ang MSG ay kinikilalang “generally recognized as safe” (GRAS) — ibig sabihin, ligtas itong kainin basta’t nasa tamang gamit.
Ganoon din ang posisyon ng Philippine FDA: legal itong ibenta at gamitin sa mga produkto ng pagkain.
4. May iilan na sensitibo sa vetsin
May mga ulat ng tinatawag na “MSG symptom complex”, kung saan nakakaranas ng:
- Sakit ng ulo
- Pamamanhid sa mukha
- Pawisin
- Mabilis ang tibok ng puso
- Panghihina
- Pananakit ng dibdib
Ngunit ayon sa mga eksperto, wala pang matibay na ebidensiya na ang MSG talaga ang sanhi ng mga sintomas na ito. Karamihan sa mga kaso ay banayad at panandalian lamang.
5. Mas mababa ang sodium ng vetsin kumpara sa asin
Kung binabawasan mo ang sodium sa diet mo, mas mainam ang MSG kaysa table salt.
- 1 tsp ng asin = 2,300 mg sodium
- 1 tsp ng MSG = 500 mg sodium
Ibig sabihin, tatlong beses mas mababa ang sodium content ng vetsin.
Tandaan: Lahat ay sa tamang dami
Hindi naman masama ang vetsin kung gagamitin nang tama. Pero kung sobra-sobra, maaaring magdulot ito ng di kanais-nais na epekto — gaya ng kahit anong sangkap sa kusina.
Mainam din na bantayan ang packaged at canned foods na kadalasang may MSG na, para maiwasan ang sobrang konsumo.
Sa huli, nasa balanse at tamang kaalaman ang susi sa mas masustansyang pagkain.
