Inilagay sa alarm status ng Land Transportation Office (LTO) ang isang motorsiklong Honda Click matapos kumalat sa social media ang larawan nito na may tinakpang bahagi ng plaka—presumableng para takasan ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay LTO Acting Chief Atty. Greg G. Pua Jr., agad silang naglabas ng Show Cause Order laban sa rehistradong may-ari ng naturang motor, kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugisin ang mga motorista na lumalabag sa batas-trapiko at naglalagay sa peligro ng kaligtasan sa kalsada.
Ang viral post sa Facebook, na may caption na “Kanya-kanyang paraan,” ay nagpapakita ng isang hindi pa nakikilalang tao na naglalagay ng electrical tape sa ikatlong letra o numero ng plaka, malinaw na pagtatangka para hindi makilala ng NCAP system.
Tinukoy ito ng LTO bilang paglabag sa Section 18, Paragraph 2 ng Land Transportation and Traffic Code hinggil sa Use of Number Plates. Ayon sa LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, “Ito ay malinaw na intensyon para linlangin ang awtoridad—isang indikasyon na hindi siya karapat-dapat magmaneho.”
Inatasan na ng LTO ang parehong may-ari ng sasakyan at ang itinalagang drayber na humarap sa kanilang tanggapan upang magpaliwanag. Inaatasan din ang drayber na ihayag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensiya alinsunod sa Section 27(a) ng R.A. 4136, na tumutukoy sa Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Habang iniimbestigahan ang insidente, ipinataw na ng LTO ang preventive suspension sa lisensiya ng drayber sa loob ng 90 araw, epektibo agad sa oras ng pagsusuko ng lisensiya. Pati na ang plaka ng sasakyan ay isinailalim sa alarm, na pumipigil sa anumang transaksiyon sa LTO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Binalaan ni Atty. Pua ang mga sangkot na kung hindi sila makikipagtulungan, maaaring mas mabigat na parusa ang ipataw. “Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga gumagawa ng panlilinlang na ito. Ang kaligtasan sa kalsada ay responsibilidad nating lahat.”
Hinimok din ng LTO ang publiko na magsumbong ng kaparehong insidente upang masugpo ang mga colorum at pasaway na motorista. “Isang ligtas at disiplinadong kalsada ang gusto nating makamtan para sa lahat,” pagtatapos ni Atty. Pua.
