Bilang pagdiriwang ng National Teachers’ Day ngayong Oktubre 5, pinalawak ng Government Service Insurance System (GSIS) ang Adopt-A-School Program (ASP) nito upang magkaloob ng kabuuang P12 milyong learning-support sa 30 pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sa kauna-unahang pagkakataon, kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang installation ng solar power systems para sa mga paaralang may kulang o hindi maasahang suplay ng kuryente.
Bawat isa sa 30 napiling paaralan ay makatatanggap ng hanggang P400,000 na tulong. Layunin nitong pondohan ang mga kagamitang pangkagalingan tulad ng teknolohiya at assistive learning devices, mga lamesa, upuan, at iba pang muwebles, pati na rin ang mga kagamitan para sa online at face-to-face na pagtuturo.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, ang hakbang na ito ay bahagi ng adhikain ng pension fund na maghatid ng tinatawag na “social dividend value” bukod sa pangunahing tungkulin nitong magbigay ng benepisyong panlipunan sa mga kawani ng gobyerno at mga pensyonado.
“Public school teachers are GSIS members, and many of them teach in schools where electricity cannot be relied upon. Through the Adopt-A-School Program, we are giving them the equipment and the steady power they need to teach well, and giving their students a fair chance to learn,” Veloso said. “On National Teachers’ Day, we honor them with support they will use in the classroom every day,” pahayag ni Veloso.
Dahil sa ipinagkaloob na solar power units, masisiguro na ang mga computer at iba pang teknolohiyang ginagamit sa klase ay magagamit nang tuloy-tuloy nang hindi naaabala ng rotational o kawalan ng kuryente.
Ang pagpili sa mga benepisyaryong paaralan ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd), na siyang nagrekomenda ng mga itinuturing na last-mile at priority schools.
Ang mga branch office ng GSIS sa iba’t ibang rehiyon ang mismong mamamahala at maghahatid ng mga kagamitan sa mga nasasakupan nilang paaralan.
Ang patuloy na pagpapatupad ng ASP ay batay sa GSIS Board Resolution No. 133 (Setyembre 26, 2023), na nag-aatas sa pagpapatuloy ng programa mula 2024 hanggang 2027. Sa ilalim ng resolusyong ito, naglaan ng kabuuang P48 milyong pondo para sa apat na taon (P12 milyon bawat taon) upang maabot ang target na 120 paaralan o 30 paaralan taun-taon.
Ang mga pampublikong guro ay bumubuo sa higit kalahati ng kabuuang mahigit dalawang milyong miyembro ng GSIS sa buong bansa.
