Muling pinagtibay ng Government Service Insurance System (GSIS) ang dedikasyon nito sa mga pensyonado at retirado sa pamamagitan ng mga hakbang na nagpapatatag sa kanilang proteksyong pinansyal at nagpapalawak ng access sa mga serbisyo.
Ang pahayag na ito ay isinabay sa pagdiriwang ng bansa sa Filipino Elderly Week ngayong Oktubre 1 hanggang 7, batay sa Presidential Proclamation No. 470.
Kabilang sa mga patuloy na ipinapatupad na inisyatibo ang mga reporma sa survivorship pension, mas maluwag na alituntunin sa Christmas cash gift, mas mataas na funeral benefit, fully digital na aplikasyon sa pensyon, at mga bagong paraan para ma-update ang contact information nang hindi na kailangang pumunta sa tanggapan ng GSIS.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, ang mga programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pension fund na gawing mas responsive ang mga benepisyo sa pangangailangan ng mga pensyonado at ng kanilang mga pamilya. Sinabi niyang hindi natatapos sa pagreretiro ang responsibilidad ng institusyon sa mga miyembro nito, kaya’t patuloy nitong pinoprotektahan ang kanilang mga benepisyo at pinapadali ang mga proseso.
Sa ilalim ng mga bagong reporma, tinanggal na ng GSIS ang limitasyon sa survivorship pension. Ang mga kwalipikadong nabubuhay na asawa ay maaari nang makatanggap ng buong 50 porsyento ng pensyon ng kanilang namayapang kapareha nang walang paghihigpit sa halaga.
Bukod dito, inalis na rin ang cohabitation rule, kung saan hindi na sinususpinde ang benepisyo nang dahil lamang sa nakikipagpalagayang-loob o nakikipagpisan sa iba ang benepisyaryo, maliban na lamang kung ito ay muling ikakasal.
Pinaluwag din ng GSIS ang mga alituntunin para sa Christmas cash gift. Ang mga pensyonadong hindi nakakumpleto ng kanilang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR) bago matapos ang buwan ng Abril ay hindi na awtomatikong mawawalan ng benepisyo, basta’t maipapadala pa rin nila ang kanilang revalidation sa kalaunan.
Mula noong Hulyo 13, itinaas na rin sa P50,000 mula sa dating P30,000 ang funeral benefit ng GSIS upang makatulong sa gastusin sa pagpapalibing ng isang pumanaw na miyembro o pensyonado, na maaaring i-claim sa loob ng apat na taon. Samantala, ang P10,000 benefit naman ay nakalaan para sa mga kwalipikadong uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection.
Upang maiwasan ang mahahabang pila, maaari na ring mag-apply ng pensyon ang mga retirado gamit ang GSIS Touch mobile app. Sa pamamagitan ng app na ito, maaari na ring magproseso ng APIR, mag-apply ng pautang, at ma-access ang iba pang serbisyo ng GSIS mula sa bahay.
Para sa mga kailangang mag-update ng kanilang contact information, maaari itong gawin sa pamamagitan ng over-the-counter, sa GSIS Touch app, sa tulong ng Agency Authorized Officers, o sa pagpapadala ng Member Request Form gamit ang koreo o email.
Para naman sa mga personal na bibisita sa tanggapan, binuo ang GSIS Appointment Buddy kung saan gagamit lamang ng QR code para makakuha ng queue number at makatanggap ng text notification kapag oras na ng kanilang transaksyon.
Binigyang-diin ni Veloso na ang tunay na ginhawa para sa mga pensyonado ay hindi lamang ang pagtanggap ng pensyon, kundi ang pagkakaroon ng malinaw na mga alituntunin at transaksyong gumagalang sa kanilang oras at sitwasyon.
Tiniyak ng GSIS na patuloy nitong papatibayin ang mga programang nagtataguyod sa pinansyal na seguridad at kapakanan ng mga retirado sa buong bansa.
