Muling nanawagan si Senate President Win Gatchalian para sa mabilis na pagpapatibay ng panukalang “GINHAWA” Bill upang maipagtanggol ang kakayahang bumili ng mga mamimiling Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Muling kinakaharap ng mga drayber at motorista ang panibagong serye ng price hike sa mga bomba, na lalo pang nagpapabigat sa pinansyal na pasanin ng mga mamamayang gumagastos na sa mataas na halaga ng pamumuhay.
Ayon kay Gatchalian, ang patuloy na tensyon at kaguluhan sa Gitnang Silangan ay maaaring magdulot ng mas matinding pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Binigyang-diin niya na ang kaganapang ito ay magpapataas din sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa, kabilang na ang singil sa kuryente.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 56 o ang “Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos Act” na inihain ni Gatchalian, layunin nitong itaas ang take-home pay ng mga karaniwang manggagawang Pilipino.
Isinusulong ng panukala na itaas ang income tax exemption threshold mula P250,000 tungong P400,000 na taunang kita, at i-adjust ang cap sa tax-free bonuses mula P90,000 tungong P150,000.
Binigyang-diin ng senador na kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Gitnang Silangan, kailangang pabilisin ang pagsasakatuparan ng panukalang batas dahil ang mataas na presyo ng krudo ay lalong magpapahina sa purchasing power ng mga kababayan, lalo na ng mga minimum wage earners.
